Advertisers
Mabilis ang pag-inog ng mundo sa mga taong mapagmalabis higit libo-libong kaluluwa ang humiwalay sa katawan dahil sa kagagawan ng mga taong ramdam na kanila ang mundo. Sa taghoy ng mga kaluluwang maagang nagpaalam hindi maikaila ang paghahanap ng katarungan na hindi natikman sa panahon ng lider na dugo ang hanap. Ang walang pakundangan na mag-usal na utasin ang sino mang lumaban sa batas ang karaniwang maririnig sa bibig ng mapagmalabis na lider ng bansa. Walang palalampasing may sala higit sangkot sa iligal na droga na pangunahing laban ng pamahalaan pinamumunuan. Subalit taliwas sa katotohanan ang programang laban sa droga dahil laban sa kalaban sa negosyo ng bawal na gamot ang totoong adhikain.
Ang taghoy ng mga kaluluwang maagang humiwalay sa katawa’y higit na lumakas sa paglapit ng mga naulila sa mga taong buo ang loob na magbitbit ng katarungan. Sa panahon na ang mga kaTimugan ang timon sa pamahalaan walang ‘di magagawa higit ang padaanin sa butas ng karayom ang pamilya ng mga taong naghahanap ng katarungan sa likod ng madilim na hinaharap. Salamat sa mga tao na buo ang loob na nagdulog ng usapin ng kawalan ng katarungan o biktima sa tinatawag na Extra Judicial Killings (EJK) sa International Criminal Court (ICC). Ang ‘di narinig na panig ang panaghoy na dala sa ICC ng mga taong tumayo’t lumaban sa mapaniil na rehimen ng kaTimugan para sa katarungang hanap higit ng mga naulila sa bigong laban sa droga ng nakaraang pamahalaan. Kaakibat ang sariling pangamba para sa sarili ng mga naghain ng reklamo sa ICC sa kadahilanang ang kaTimugan ang batas sa bansa ng kanilang panahon.
Sa totoo lang, ang ‘di pagyukod sa dating pamahalaan ang kagalingan na kinagagalit ng katimugan sa mga taong naghain ng sakdal sa labas ng bansa. Hindi nagdalawang isip ang kaTimugan na gumawa ng mga gawa-gawang sakdal sa korte sa bansa upang ‘di tularan o ‘di tumakbo ang sakdal na naihain sa ICC. Sa mga inimbentong sakdal, napiit ang dating senadora na halos ikinasawi sa loob ng piitan subalit ‘di sumuko at patuloy na tumayo para sa katarungan ‘di lang para sa sarili maging sa maraming biktima ng karumal dumal na krimen. At ang matindi, ‘di nagawang ipakulong ang isang dating senador na patuloy na tumayo sa tama laban sa mapagmalabis na pamahalaan.
Nagpatuloy ang laban sa katarungan sa mga biktima ng EJK hangang sa bumaba sa pwesto ang kaTimugan at naisalin ang liderato ng pamahalaan. Sa pagkakahalal ng anak ni Totoy Oblo bilang abalang pangulo hindi nakitaan ng pagbaba ng loob ang kaTimugan na parang dama na sila pa rin ang may timon sa pamahalaan. Dumaan ang ilang taon na bitbit ang hangin ng kaTimugan, walang pagbabago sa asal ang dating unang pamilya ng bansa na kailangang pakisamahan ng makamtan ang upuang asam sa pamahalaan. At sadyang ipinamamalas ang lupit sa bayan sa paggamit ng salapi ni Mang Juan na walang kapararakan. Sa kwentang pwestong natanganan lumabis ang panlulustay sa pera ng bayan, hayun nabantilawan ng mausisa sa paggamit ng salapi ng bayan na nagsilang kay Mary Grace Piattos. At dumami ang pagdududa ng bayan higit ang dating mga kasama sa politika sa katauhan ng anak ng kaTimugan higit sa paggamit sa salaping bayan.
Patuloy ang pag-inog ng mundo at unti-unting nababatid ang maraming ‘di magandang bagay sa kaTimugan na naglayo sa relasyon sa mga dating kasangga sa politika. Ang pag-uusisang naganap sa malawak na kapulunga’y tila tabak na pumutol sa magandang ugnayan sa mga kasama at napalitan ng negatibong pagkilala. Ang usapin ng kaperahan ng bayan ang susi na ‘di maipaliwanag ng abalang pangulo na nagbukas sa isip at kamalayan ng maraming kinatawang bayan sa salang gawang pandarambong. Sa pagkakataong bangit, lumobo ang pagkadismaya ng bayan na daan sa paghaharap ng pagpapasipa sa abalang pangulo.
Sa paglago ng pagkadiskuntento ng bayan sa gawang sala ng abalang pangulo hindi napigil ang paghahain ng pagpapasipa kay Inday Siba at ang pagpapadala ng malawak na kapulungan ng reklamo sa bugok ng kapulungan na tatayo bilang mga didinig at huhusga sa hinain. Wala pa man ang pagdinig hinggil sa pagpapasipa sa abalang pangulo, salamat sa Keso ng kaBicolan, nariyan ang paglipad ni Totoy Oblo sa kalapit bansa upang alamin ang naulinigang paglalabas ng salaping may halagang $10B. At kasunod ng kaganapan sa paglalabas ng bangit na salapi, tila may ibang angulo ang pagpuslit ni Totoy Oblo sa ibang bansa na tuwirang may kinalaman sa sariling usapin, ang pag lalabas ng mandamyento de aresto ng ICC tungo sa InterPol na pagdakip sa una.
Bilog ang mundo at sa pag-ikot na pailalim ang nasa ibabaw na ‘di nagawang magpakababang loob. Sa asal na ipinamalas ng kaTimugan malinaw ang pag-iwas ng mga dating kadikit ng ‘di tamaan ng delubyo sa halalan. Ang pagmamalabis sa pwestong natangan ang salang babalik sa mga taong nakakalimot na pansamantala ang nahawakan kapangyarihan. Ang pagmamalabis higit sa mga taong biktima ng bawal na gamot o droga na muling biniktima ng maling laban sa droga ang balik na nagbaligtad sa kaayusan ng kalagayan ng kaTimugan. Masakit ang balik higit sa mga taong lulong sa kapangyarihan na ‘di sumilip sa kasaysayan na bilog ang mundo.
Tunay na may paraan ang sanlumikha upang panagutin ang maysala higit sa mga taong walang lakas na ipagtangol ang sarili na gawa ng ilang may kapangyarihan. At kailangang alagaan ang mahahalagang bagay na alay ng bayan at mamamayan. Ang dugong idinilig sa nakaraan ang nagpalaki sa binhi ng kamalian at ang bungang inaani ng Katimugan. Mapait ang bunga na dulot ng salang gawa na ‘di malulunok at pagsisihan sa hulihan ng buhay na dama ng sasalinang kalahi. Masakit na makita, higit sa batang nabuo ang poot sa kaganapang nasilip sa kalahing nagsalin. Ang pagpapaintindi sa kaganapan sa kalahi ang kabayaran na ‘di ibig malasap ngunit kailangan maganap dahil sa salang gawa sa nakaraan. Ang nalasap na sarap ng kabuhayan sa nakaraan na ‘di pinagpawisan ang ‘di dapat maganap higit ang bayan ang papasan. Huwag iwalay sa isip at isa – puso na bilog ang mundo at ang gawang tama ang aani sa kagalingan sa kinabukasan.
Maraming Salamat po!!!!