Advertisers

Advertisers

‘TANIM-BALA’ SA NAIA, BUNGA NG KAWALAN NG MEDIA SA LOOB

0 25

Advertisers

Nakakapanghinayang naman ang pagsisikap ng New NAIA Infrastructure Inc. (NNIC) na pagandahin ang ating NAIA Terminals dahil sinisira lamang ito ng ilang loko na ginagawang hanapbuhay ang pambibiktima ng mga inosenteng pasahero.

Mismong si NNIC big boss Ramon S. Ang o RSA ang nag-iikot para alamin ang anumang pupuwedeng gawin para mapaganda ang pangunahing paliparan dahil gusto nga niyang mabura ang paningin sa NAIA bilang ‘worst airport’ at papunta na sana tayo doon nang maganap ang isang pangyayari na dati nang sumira sa imahe ng NAIA, ang ‘tanim-bala.’

Naging mabilis ang aksyon ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon sa pagtanggal sa tatlong Office of Transport Security (OTS) personnel na diumano ay nasangkot sa panibagong insidente ng ‘tanim-bala’ na naganap umano sa NAIA nitong Marso 6 lamang, bagama’t iniimbestigahan pa nang husto kung maituturing ngang tanim-bala ang nasabing pangyayari.



Ani Dizon, seryoso nilang iniimbestigahan ang pangyayari at binalaan lahat ng taga-OTS na hindi nagbibiro ang pamahalaan pagdating sa bagay na ito.

Tiniyak din niya na maghaharap ng mga kaukulang kaso ukol dito kung kinakailangan. Ang OTS administrator na si Arthur Velasco Bisnar ay inatasan na agarang alisin sa puwesto ang mga naturang personnel habang nagsasagawa ng imbestigasyon sa isyu. Maging si President Ferdinand Marcos, Jr. ay hindi natuwa at nag-atas din ng imbestigasyon.

Nag-ugat ang isyu sa viral video na pinost sa social media ng 69-anyos na pasaherong si Ruth Adel, na nagreklamong muntik na nilang ma-miss ang kanilang flight matapos silang habulin ng OTS personnel paglagpas sa security checkpoint para sabihing me nakitang ‘anting-anting’ (amulet) na basyo ng bala sa kanyang bagahe. Mariin itong ikinaila ni Adel.

Inamin ni Dizon na mali ang ginawa na nasa boarding gate na ang pasahero ay hinabol pa ng OTS personnel gayung dapat, mismo sa security checkpoint ito isinagawa, kung totoo man na me nakitang bawal sa bagahe.

Sa totoo lang, natigil ang mga insidente ng tanim-bala sa NAIA dahil sa walang humpay na pagbabantay ng airport media, kung saan maging ang paglunok ng OTS personnel ng dolyares na kinuha sa bag ng isang pasahero ay pumutok din dahil sa media.



Ngayong inalisan ng access sa loob ng paliparan ang media, marahil ay inaakala ng mga lokong nasa loob na libre na silang isagawa ang kahit na anong gusto nila dahil walang matang nakabantay sa kanila. Kumbaga, sona-libre na sila.

Ang hindi nila alam, sa tagal ng mga reporters na nagco-cover sa NAIA, meron at meron silang mga naging kaibigan at katuwang sa loob ng paliparan na pupuwedeng mag-tip ng mga kakaibang kaganapan sa loob.

Kung alam ng mga ito na may taga-media na nakamasid, tiyak na hindi ito mangyayari nang ganun-ganun na lamang.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.