Skills training sa TODA members ng Sampaloc, alok ni Konsi Bong Marzan
Advertisers
UPANG magkaroon ng alternatibong pagkakakitaan ang mga miyembro ng tricycle operators and drivers association (TODA) sa kalye Maceda, Makaling at Dimasalang sa Sampaloc ay isang pagsasanay sa mga gawaing pang-hanapbuhay ang iminungkahi ng ilang opisyal ng TODA sa nasabing lugar noong makipag-dialogue ito kamakailan kay Konsi Bong Marzan na opisyal na kandidato ng Asenso Manileño sa pagka-Konsehal sa District IV.
Sa nasabing pag-uusap sa pagitan ni Marzan at ng mga miyembro ng tricycle drivers at opisyal ng TODA pati na rin si Chairman Mario Lopez ng katabing barangay ay sinabi ng isang opisyal ng TODA na kapag ganitong summer ay napakahirap magbiyahe ng tricycle dahil sa sobrang init. Kaya naman iminungkahi nila na kailangan nila ng alternatibong hanapbuhay. Ang problema nga lamang ay wala silang kasanayan sa ibang trabaho tulad ng barbero, barista, pagmamasahe, pagmamasa ng tinapay at iba pa.
Agad naman tumugon ni Marzan ang kanilang kahilingan na magkaroon ng alternatibong hanap buhay gaya ng mga nabanggit, pero kailangan munang dumaan sila sa proper skills training at pagkatapos ay nilang mag-training ay bibigyan sila ng sertipiko na natapos nila ang training at maaari na silang mag-apply sa kung ano ang kanilang kaalaman na pinag-aralan.
Nabatid kay Marzan na ang pamahalaang lungsod ay mayroon Isang departamento na nangangasiwa ng training ng mga gustong magkaroon ng kaalaman sa Barista, Housekeeping, Cookery, Bread and Pastry production, Massage Therapy at Haircutting. Ang departementong ito ay ang Manila Manpower Development Center o MMDC.
Binanggit pa ni Marzan na kamakailan lang ay natapos ang panibagong batch ng mga nagsanay sa pagba-Barista na personal na binati ni Mayor Honey Lacuna at hinimok na gamitin na agad ang kanilang pinag-aaralan sa MMDC dahil pang-world class ang mga nagtuturo dito kung kaya’t ang mga nagtatapos dito ay agad na nagkakaroon agad ng trabaho.
Ipinangako din ni Marzan na tututukan niya ang proyektong ito bilang tulong sa kadistrito niyang trike driver na gustong magkaroon ng skills training para matuto ng ibang kaalaman na magagamit sa panibagong hanapbuhay.
Ang panawagan lamang ni Marzan sa mga miyembro ng TODA na gustong mag-training ay seryosohin ito hanggang sa matapos ang pag-aaral at training upang magamit sa bagong hanapbuhay. Tiniyak din ni Marzan na libre ang training at walang babayaran hanggang sa matapos ang kanilang pagsasanay. (ANDI GARCIA)