Advertisers
DAHIL sa kawalan ng mga kaukulang permit, ipinasara ng Taguig Local Building Office (LBO) ang AMC Sports Complex sa Barangay Palingon-Tipas, Taguig City nitong Marso 12, 2025.
Batay sa report ng LBO, natuklasang walang Locational Clearance, Building Permit at Occupancy Permit ang AMC Sports Complex. Sa kabila nito, patuloy itong ginagamit bilang venue para sa iba’t ibang events.
Nauna nang ipinatigil ng Taguig Business Permit and Licensing Office ang operasyon ng AMC Sports Complex matapos malamang ginagamit ito sa mga pribadong events na may bayad pero wala itong business permit. Wala ring Special Permits ang mga events na dinaraos dito.
Sa isinagawang inspeksyon ng LBO at City Planning and Development Office (CPDO), natukoy na hindi sumusunod ang pasilidad sa mga regulasyong itinakda ng National Building Code of the Philippines at Taguig City Ordinance No. 131, Series of 2024. Dahil dito, agad inilabas ang utos na ipasara ang AMC Sports Complex at lisanin ng mga gumagamit nito.
Inatasan din ang pamunuan ng AMC Sports Complex na magsumite ng structural report mula sa isang licensed engineer sa loob ng 30 araw upang matukoy kung ligtas pa ang gusali o kung kinakailangan itong ipaayos o ipademolish. Bukod dito, kailangan din nila kumuha ng building at occupancy permits bago pa man payagang muling gamitin ang pasilidad.
Nagbabala ang LBO na kung mabibigong sumunod ang may-ari sa kautusan, maaaring humarap ito sa mas mabibigat pang legal na aksyon.
Kamakailan lamang ay ipinasara rin ng Taguig Local Building Office ang Wash Expert 88 na pagmamay-ari ng Rapide Auto Service Experts sa Cayetano Blvd., Ususan, Taguig City dahil sa kawalan ng Building Permit at Occupancy Permit. Ayon sa ulat, mayroon pang mga pasilidad na isasara rin dahil sa parehong kawalan ng permits.
Binigyang-diin ng pamahalaang lungsod na bukas ang Taguig sa lahat ng lehitimong negosyo ngunit kung walang mga kaukulang permit, alang-alang sa kaligtasan at kaayusan ng publiko, mahigpit at agarang aksyon ang ipatutupad laban sa kanila.