Advertisers
MGA kaganapan sa sports ng wushu at sambo ang sentro ng talakayan sa pagbabalik ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayon sa PSC Conference Room sa Rizal Memorial Sports Center (RSMC).
Inaasahang ilalahad ni Sambo Federation Philippines president Paolo Tancontian ang matagumpay na kampanya ng Philippine Team sa nakalipas na Dutch Open Championship kung saan nagwagi sila ng apat na medalya, tampok ang dalawang ginto.
Makakasama ni Tancontian sa programa ganap na 10:30 ng umaga sa pagtataguyod ng Philippine Sports Commission, Behrouz Persian Cuisine at Pocari Sweat ang mga opisyal ng Wushu Arena Quezon City na sina coach Arra Corpuz, Chloe Maniquis, Lucas Maniquis, Diane Basa, Sha Liwanag, John Duran, Carl Ramirez at Bede Ramirez.
Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo ng Pilipino Star Ngayon ang mga miyembro at opisyal na makiisa sa talakayan na mapapanood din via livestreaming sa TOPS Usapang Sports official Facebook page, Bulgar Sports at Channel 5 ng Pinoy Ako (PIKO) – ang pinakabagong mobile network apps na libreng mada-download sa Android phone.