Advertisers

Advertisers

TRABAHO Partylist nanawagan ng mas malawak na PWD inclusivity sa trabaho

0 12

Advertisers

Bilang tugon sa mga hamon na kinakaharap ng Persons with Disabilities (PWDs) sa paghahanap ng trabaho, muling iginiit ng TRABAHO Partylist ang pangangailangan ng mas matibay na mga panukalang batas upang isulong ang mas inklusibong paglahok ng mga may kapansanan sa lakas paggawa ng Pilipinas.

Sa kabila ng umiiral na mga batas, marami pa rin sa mga PWD ang nahihirapang makahanap ng regular na trabaho, kaya’t patuloy na itinutulak ng partido ang mga polisiyang tutugon sa mga hadlang na sistematiko at panlipunang stigma na humahadlang sa kanilang buong partisipasyon sa ekonomiya.

Ayon kay TRABAHO Partylist spokesperson Atty. Mitchell-David L. Espiritu, bagama’t may mga batas tulad ng Magna Carta for Disabled Persons na naglalayong magbigay ng oportunidad at benepisyo sa PWDs, nananatili pa rin ang malalaking balakid na kanilang kinakaharap.



Batay sa pag-aaral, marami pa rin sa mga PWD sa bansa ang nananatiling walang trabaho o di kaya’y underemployed, na nagreresulta sa matinding kahirapan dahil sa kakulangan ng naaangkop na oportunidad sa trabaho, dagdag pa niya.
Binigyang-diin ni Atty. Espiritu na hindi sapat ang paggawa lamang ng mga legal na balangkas, kundi kailangang may konkretong solusyon at pagbabago sa pananaw ng lipunan.

Kasama rito ang pagbibigay ng mas maayos na imprastraktura, mas accessible na transportasyon, at angkop na pagbabago sa mga lugar ng trabaho upang matiyak na epektibong maisasagawa ng PWDs ang kanilang mga tungkulin.

Nanawagan din ang TRABAHO Partylist sa mas mahigpit na regulasyon ng PWD identification system, na madalas ay naaabuso. Ayon kay Atty. Espiritu, ang mga insidente ng paggamit ng pekeng PWD ID upang makakuha ng hindi nararapat na benepisyo ay nagdudulot ng kawalan ng tiwala sa mga programang nakatuon sa may kapansanan. Ang pagpapatibay sa integridad ng disability identification system at pagtitiyak na ang tunay na nangangailangan ang makikinabang sa mga programa ng estado ay mahalagang hakbang patungo sa isang patas at epektibong sistema para sa PWDs, dagdag pa niya.

Bagama’t mahalaga ang access sa trabaho, ang tunay na pagsasama ng PWDs sa lakas paggawa ay nangangailangan ng pangmatagalang repormang istruktural upang matanggal ang diskriminasyon, mapahusay ang accessibility, at mapalakas ang isang tunay na inklusibong lipunan.

Ang pagbibigay ng pantay na oportunidad sa PWDs upang makapagtrabaho at makatulong sa ekonomiya ay isang mahalagang hakbang tungo sa isang mas makatarungan at inklusibong Pilipinas, pagtatapos ni Atty. Espiritu.