Advertisers
UMABOT na sa P2.2 milyon ang pabuya sa sinumang makapagtuturo at makakapagbigay ng impormasyon sa ikadarakip ng salarin na nakapatay sa dalawang police officer noong Sabado sa Sitio Tugatog Barangay Tambubong, Bocaue, Bulacan.
Sa ginanap na 1st Quarter Joint Meeting ng Provincial Peace and Order Council (PPOC), Provincial Anti-Drug Abuse Council (PDAC) at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) nitong Martes sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City inanunsiyo ni Gob. Daniel Fernando ang paglalaan ng P2-milyon karagdagang pabuya para makatulong sa agarang pag aresto sa suspek na kinilala bilang alias “Athan o Xander”.
Nauna rito, tig-100,000 ang pabuyang ipinagkaloob nina Bocaue Mayor JonJon Villanueva at Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director BGen Jean S Fajardo sa sino mang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng suspek.
Nauna nang naaresto ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) ang isa sa dalawang suspek na si alias “Dado”, kapatid ng pinaghahanap na si “Athan o Xander”,na kapwa residente ng Barangay Bunsuran, Pandi, Bulacan.
Ang dalawang biktimang Pulis-Bocaue ay sina Staff Sergeants Gian Dela Cruz at Dennis Cudiamat, kapwa napatay sa madugong engkuwentro noong Sabado ng tanghali sa isinagawang buy bust operation.
Ayon kay Gob. Fernando, inatasan na niya si Bulacan PPO director Col. Satur Ediong na paigtingin ang pagsasagawa ng manhunt operation sa nakalalaya pang suspek.
Aniya, kailangang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng dalawang hero cops dahil wala aniyang puwang sa lalawigan ng Bulacan ang ganitong uri ng walang saysay na pamamaslang lalo na sa mga pulis.(Thony Arcenal)