Advertisers
Personal na itinurn-over ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Caloocan City Police Station (CCPS) at Bureau of Fire Protection-Caloocan (BFP) ang dalawang bagong sasakyan at dose-dosenang kagamitan na gagamitin sa pagpapanatili ng kaligtasan ng publiko sa ginanap na seremonya sa Caloocan City Hall-South.
Nakatanggap ang CCPS ng bagong mobile patrol unit at iba’t-ibang protective gears kabilang ang ballistic helmet at plates, tactical shields, at ballistic shields, habang ang pamahalaang lungsod ay nagbigay ng bagong ambulansya sa BFP na kumpleto sa state of the art life support apparatus.
Idineklara ni Mayor Along ang patuloy na prayoridad ng kanyang administrasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko sa lungsod, gayundin ay tiniyak sa kanyang mga nasasakupan na ang Caloocan ay mananatiling “safe space” para sa lahat ng uri ng aktibidad sa lahat ng oras.
“Sa loob po ng ating unang termino bilang Ama ng Caloocan, ilang beses nating pinagkalooban ang pulisya at ang BFP ng mga bagong sasakyan at kagamitan dahil gusto natin, laging handa ang ating mga first responders sa pagtugon sa anumang uri ng sakuna o emergency,” wika ni Malapitan.
“Alam po nating hindi lang aksyon laban sa krimen ang kailangan nating gawin upang panatilihing ligtas ang mga Batang Kankaloo. Kasama po diyan ang pagkilos natin upang maiwasan ang mga aksidente sa daan, pag-iwas sa mga sakuna, at kahit na ang pagtutok sa kalusugan ng ating mga mamamayan,” dagdag ni Mayor Along.
Kinikilala din ng lokal na punong ehekutibo ang mga positibong pagbabago na nangyari sa kaligtasan ng lungsod habang nananatiling matatag sa kanyang paninindigan na maging aktibo sa paghahanap ng mga pagpapabuti sa mga proyekto at patakarang ipinatupad ng pamahalaang lungsod.
“Batid po natin ngayon, mas naging maayos ang ating mga komunidad at kampante ang ating mga mamamayan na sa kahit anong sulok ng lungsod at kahit anong oras pa ng gabi, kampante silang makakauwi sa kani-kanilang mga pamilya. Ang natitira na lang po nating gawin ay mas palakasin pa ang mga programa nating gumagana at i-improve ang mga bagay na kailangang paghusayin pa,” pahayag ni Mayor Along.(BR)