Advertisers
KARUMALDUMAL ang sinapit ng isang 51-anyos na guro matapos siyang araruhin ng 37 beses na saksak ng kaniyang 38-anyos na mister sa loob mismo ng isang pampublikong paaralan sa Barangay Almanza Dos, Las Piñas City, Lunes ng umaga.
Sa ulat ng pulisya, ang biktima ay nakilalang si Rose Dizon y Morillo, public school teacher ng Lydia Aguilar National High School, nakatira sa 38 Aerospace, CAA, BF International, Las Pinas City. Siya ay idineklarang dead on arrival sa Alabang Medical Hospital bunga ng tinamong multiple stabbed wounds sa ibat-ibang parte ng katawan.
Sa tulong ng ilang residente at mga barangay tanod ay naaresto ang suspek na si Dennis Dizon y Buticas,38, nagtratrabaho bilang Public Coordinator Services ng Bacoor at naninirahan sa Polido Compound, Panapaan 3, Bacoor City, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap alas-8:45 ng umaga sa isang silid ng mga guro ng LANHS sa Camia Street, TS Cruz Subd, Brgy. Almanza Dos, Las Pinas City.
Ayon sa salaysay ng mga co-teachers ng biktima, nagpunta ang suspek sa faculty room at ilang sandali ay bigla na lang bumunot ng patalim at walang pangiming inundayan ng sunod-sunod na saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan ang walang laban na guro.
Mabilis na tumakas ang suspek habang nabigla naman sa mga pangyayari ang mga co-teachers ni Dizon. Kalaunan, ilang tauhan ng eskuwelahan ang tinulungan ang biktima na isugod siya sa ospital.
Sa pagtakas ng suspek, siya ay nahagip sa CCTV na naglalakad sa kanto malapit sa eskuwelahan.
Sa isa pang CCTV ng barangay, nagpaikot-ikot naman ng lakad ang lalaki, samantalang hinahabol siya ng ilang residente kabilang ang dalawang guro.
Isang van din ang bumangga sa suspek na armado noon ng patalim para pigilan siyang makatakas.
Dumeretso pa sa paglalakad ang lalaki sa sumunod na kalsada, hanggang sa dumami na ang mga residenteng humabol na sinundan ng mga tanod ng barangay na humantong sa kaniyang pagkaka-aresto. Selos ang nakikitang ugat ng krimen. (JOJO SADIWA)