Advertisers
KINASUHAN ng graft and corruption sa Office of the Ombudsman sina Bulacan Gov. Daniel Fernando, Vice Gov. Alex Castro at apat pang opisyal ng lalawigan dahil sa ilegal umanong koleksiyon ng buwis nang magpalathala ang mga ito ng ordinansa sa umano’y fly-by-night na lingguhang pahayagan.
Kasama rin sa kinasuhan ng newspaper publisher na si Orlan Mauricio sina provincial administrator Antonette Constantino, sangguniang panlalawigan secretary Perpetua Santos, Mel Dimaano na assistant ni Fernando at Fe Alvarez, publisher ng The Central Chronicle.
Isinampa ni Mauricio ang reklamo sa anti-graft body dahil sa pagpapatupad ng Kapitolyo ng umano’y illegal tax ordinance na na-publish noong 2023 sa The Central Chronicle na isa umanong fly-by-night weekly newspaper.
Sa 15-pahinang reklamo, hiniling nito na pigilan ang Pamahalaang Panlalawigan sa pagkolekta sa itinaas na amilyar sa 20 bayan ng Bulacan ng 10% hanggang 15% dahil hindi ito nai-publish sa isang lehitimong pahayagan sa Bulacan at sa halip ay sa isang pahayagan na nakabase sa Rizal.
Ayon kay Mauricio, null and void ang ordinansa dahil hindi ito sumunod sa batas na kailangan muna itong mailathala sa isang pahayagan na may general publication alinsunod sa itinakda ng Sec. 188, ng Local Government Code (RA 7160).