Advertisers

Advertisers

WALANG DUDA: KALABOSO SI GONGDI

0 147

Advertisers

MAY duda kami nang unang lumabas sa weekend ang balitang tumakbo sa Hong Kong si Gongdi kasama ang mga intelligence officer na nakadikit sa kanya. May espekulasyon na inilabas na ng International Criminal Court (ICC) ang arrest warrant laban sa kanya at ipapatupad ito ng International Police (Interpol), ang pandaigdigang ahensya ng pulisya na nagpapatupad ng mga utos ng mga ahensyang pandaigdig tulad ng ICC.

Batay sa arrest warrant ng ICC, nagpalabas ang Interpol ng “red notice” kung saan malinaw na dadakpin nila kasama ang PNP si Gongdi at sinuman sa mga alipures niya na isasama sa arrest warrant. Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Interpol sa liderato ng PNP upang dakpin si Gongdi. May balitang naglaan ng 7,000 pulis ang PNP upang tumulong sa pagdakip kay Gongdi. Mukhang totohanan na ito.

May balita rin na inatasan ng liderato ng PNP ang mga pulis na manmanan ang bahay ni Gongdi sa Davao City. Nakapaligid sila doon at ipapatupad ang red notice ng Interpol sa sandaling bumalik siya mula Hong Kong. Batay sa polisiya ni BBM, hindi makikipagtalastasan ang kanyang gobyerno sa ICC dahil hindi na kasapi ang Filipinas sa Rome Statute, ang tratadong bumuo sa ICC.



Ngunit nanatiling kasapi tayo ng Interpol at handa tayong makipag-ugnayan sa ahensyang ito. Ito ang loophole na hindi nakita ng mga tagapayo ni Gongdi. Ang buong akala ng mamamatay taong dating pangulo, sapat na ang tumiwalag ang bansa sa Rome Statute. Biktima sila ng sariling katangahan.

Nararamdaman namin na hindi agad babalik ng Filipinas si Gongdi. Hindi namin siya kilala bilang isang matapang na tao. Mas kilala namin siya sa karuwagan. Matulis lang ang dila ni Gongdi lalo sa mga taong mahihina, walang poder, at walang lakas. Pansamantalang mananatili sa Hong Kong at maaaring lumipat siya sa Tsina kapiling ang kanyang amo na si Xi Jinping. Maaaring tuluyan siyang humingi ng asylum sa Tsina.

Magmamasid siya mula sa kabilang ibayo. Batid namin na hindi nagbabago ng polisiya at pasya si BBM. Totoong tutuluyan ng kanyang gobyerno si Gongdi. Isusuko siya sa ICC at bahala na ang tila buwang na dating pangulo na idepensa ang sarili. Marami siyang salaping ninakaw sa kaban ng bayan at may kapangyarihan siyang kunin ang mga magagaling na manananggol mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Hindi niya dapat isandal ang kanyang kapalaran sa puganteng si Harry Roque at pipitsuging abogado na si Sal Panelo. Mahihinang klase ang mga iyon at itutulak lang siya sa bangin ng kapahamakan. Maiingay lang mga iyon at hindi totoong may kakayahan at galing na ipagtanggol siya.
***
HABANG inihahanda ng gobyerno ang bitag upang dakpin si Gongdi, naghahanda naman ang hindi mabilang na mga pamilya ng biktima ng walang pakundangang EJKs sa buong bansa. Sila ang pamilya na nawalan ng magtataguyod sa kanilang mga asawa’t anak at kahit sa magulang. Inihahanda nila ang sarili upang tumestigo, magbigay paliwanag, at patotohanan ang pagkitil sa buhay ng kanilang mahal sa buhay dahil sa hinala na sangkot sila sa droga.

Sinabi ni Leila de Lima, ang dating senadora na ipiniit ni Duterte ng pitong taon dahil sa maling paratang, bukod sa pagbubuklod-buklod ng mga pamilya ng mga biktima ng EJKs, inihanda na rin nila lahat ang kanilang ebidensya at patunay na hindi sila binigyan ng pagkakataon na malasap kahit kaunti ang katarungan. Isa si de Lima sa mga tatayong abogado ng mga pamilya ng mga biktima ng EJK sa ICC.
***
SAMANTALA, huwag tayong maaliw sa pagdakip kay Gongdi. Manmanan si Chiz Escudero na kasalukuyang gumagawa ng lahat ng paraan upang makaiwas si Sara Duterte sa paglilitis. Kailangan ituloy ang kampanya ng mga mamamayan upang mapuwersa si Chiz na buuin ang Senado bilang isang hukuman na lilitis kay Sara.



Dapat matanggal si Sara sa poder. Hindi siya dapat humalili kay BBM kung may mangyari sa kanya. Hindi marangal na tao si Sara at walang katwiran upang manahin niya ang panguluhan. Kahit barangay tanod, hindi siya karapat-dapat.

Taksil sa bayan si Chiz at kampi siya kay Sara dahil gustong niyang maging bise ni Sara sa 2028. Popondohan sila ng Tsina basta manatili lang sa poder upang tuluyang makamkam ang ilang bahagi ng Exclusive Economic Zone. A big NO to Sara and Chiz. Iyan ang panawagan ng ating mga kababayan.

***

Email:bootsfra@gmail.com