Advertisers
HINDI inaasahan ng maliit na peryodistang ito nang may inilabas umano ang International Criminal Court (ICC) ang mandamyento de aresto para sa dating pangulo Rodrigo Duterte. Mistulang kinalawit ng kampo ni Duterte ang balita na hitik ng ispekulasyon at kuro- kuro mula sa iba’t-ibang sangay ng pamamalita.
Subalit ang sapantaha namin: may basehan ang mga balita. Totoo ba ang balita na uusigin ng ICC ang dating mamamatay-taong presidente? Tiyak ko na matunog ang balita, ngunit ang tanong ko totoo nga ba? Isa lang ang natitiyak ko: Matatapos na sa wakas ang madilim na yugto ng ating kasaysayan sa ilalim ng isang madugong pangulo. Harinawa hindi na muli ito maulit. Kasihan nawa taong laat ni Poong Kabunian.
***
NANG maluklok si Donald Trump bilang pangulo ng Estados Unidos, unti-unting binabalot ng pag-alala ang kinabukasan ng maraming Amerikano. Maraming pagbabago na ikinabahala ng marami, kahit ang mga bumoto sa kanya. Nagpasya ang Amerika, ngunit nagsisisi sila ngayon sa kapalaran ng bansa nila.
Sa maikling panahon naging awtokrata si Trump ng gobyerno ng Estados Unidos. Binaligtad ni Trump ang sistemang giniwa ng isa’t isa, sinadya, at sistematikong inalis ng mga kasapakat niyang DOGE. Opo, mga giliw na mambabasa, maging ang mga lantay at “hardcore” na Republicans a naapektuhan na ng kanilang desisyon.
Subalit nakatayo pa rin ang sangay ng Hudikatura tulad ng mga korte at nanatili ang karapatang sibil ng mga mamamayan. Unti-unti nilang natutunan mag-“pushback” sa maraming isyu. Tinutulan ng mga mamamayan ang pinsala sa bansa at ipinapatupad ang pangingibabaw ng batas (o “rule of law”). Apat na taon ang bubunuin ng administrasyon ni Trump.
Inaway na niya ang maraming lider ng ibang bansa. Naging katatawanan siya sa aming tingin. At ang pinakamatindi ay ang biglang pagiging pro-Russia niya imbes na katigan ang Ukraine. Aminado si Trump na bilib siya sa mga awtokrata at pipilitin niya na manatili sa kapangyarihan magpakailanman; totoo, inamin niya ito!
Pero malapit na sia maging 80 na taong gulang, isipin natin ito. At dumadami ang kaaway niya. Sapantaha ko? Tingnan natin. Ngunit malabo ang tingin ko.
***
SAMANTALA, may mga lumabas na ulat na nag-isyu ang International Police (Interpol) ng Red Notice upang arestuhin si Rodrigo Duterte. Bata yang Red Notice na inilabas ng ICC na arrest warrant laban sa kanya. Tanging si Duterte lang ang binanggit sa Red Notice. Hindi pa kasama ang ilang kasapakat ni Duterte sa kanyang palpak na giyera kontra droga tulad ni Bong Go, Bato dela Rosa at iba pa. May araw sila.
Sa ngayon, may minobilisa 7,000 tauhan ng PNP upang ihatag ang red notice ng Interpol at agad na dakpin ang mamamatay tao ngunit duwag na dating president. Hindi namin nakikita na kagyat na babalik ng Filipinas si Gongdi. Ang nakikita naming ay mananatili sa Hongkong o Tsina si Duterte at magmamasid. Maghahain ng ilang sagot kontra sa mga habla ang kanyang abogado. Ang problema ni Duterte ay wala kaming alam na de-kalibreng abogado na maaaring gamitin. Kamukhang niyang mahina sa batas ang mga abogado na nasa paligid.
Wala kaming tiwala kay Sal Panelo na ang hilatsa ng mukha ay nabibilang sa mga talunan. Nagtatago bilang pugante sa batas si Harry Roque na kahit nagmamalaki na eksperto sa international law ay hindi totoong magaling. Natatandaan namin kung paano siya hiyain ni Kin. Jinky Luistro ng Batangas. Hindi alam ni Harry Roque ang kanyang batas. Mahinang klase at pipitsugin si Harry pagdating sa masalimuot na larangan ng batas.
Wala kaming nakikitang lusot si Duterte sa mga hablang crimes against humanity. Humihiyaw ang mga ebidensya ng walang sawang pagpaslang niya sa mga mahihina at walang lakas. Mas nakikita namin ang kanyang paggugol sa nalalabing panahon ng kanyang buhay sa kulungan. Manalangin tayo sa Poong Kabunian.
***
mackoyv@gmail.com