Advertisers
Ipinag-utos ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang termination at dismissal laban sa tatlong tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) na sangkot sa pinakahuling insidente ng umano’y “laglag-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito’y matapos mag-viral sa social media ang pagkalkal ng mga tauhan ng OTS sa bagahe ng isang senior citizen sa NAIA Terminal 3 noong March 6 dahil sa nakitang basyo umano ng bala.
Sinabi ni Dizon na simula nitong Lunes, hindi na makababalik pa sa puwesto ang tatlong tauhan ng OTS habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Giit ng kalihim, walang puwang sa DOTr ang mga abusado at mapagsamantala dahil mahigpit ang atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dapat serbisyo at hindi perhuwisyo ang ibibigay sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, pinarerepaso rin ni Dizon ang protocol sa mga paliparan upang hindi na maulit ang kahalintulad na insidente. (Jocelyn Domenden)