Simula Lunes, March 10, 2025 matatanggap ng mga seniors ng Maynila ang kanilang dobladong buwanang allowances
Advertisers
SIMULA Lunes, March 10, 2025 (Monday), ang may 200,000 senior citizens sa lungsod ng Maynila ay magsisimula ng tumanggap ng kanilang dobladong monthly allowance.
Tiniyak din ni Mayor Honey Lacuna sa mga senior citizens na ‘di katulad nang nakaraang administrasyon kung saan ang pagbabahagi allowances ay ginawang kumplikado, sa pagkakataong ito ay ginawa ng mas mabilis at hassle-free ang distribusyon.
Ayon kay Lacuna, ang senior citizens ng lungsod ay maaaring kunin ang kanilang allowance na nagkakahalaga ng P3,000 bawat isa na kumakatawan sa first quarter ng taon o mula January hanggang March, sa pamamagitan ng payout na isinasagawa ng kani-kanilang mga barangay.
“Simula po ngayong buwan ay hindi na mahihirapan sina lolo’t lola sa pag- claim ng kanilang quarterly allowance dahil sa mismong barangay hall na po ito kukunin. Buo po ang ating tiwala sa ating mga katuwang sa barangayan. Hindi na po nila kailangang mag-alala kung saan may ATM machine o kung nakalimutan man ang password ng kanilang mga card,” anunsyo ng lady mayor.
“Tao sa tao na po ang transaksyon natin ngayon para siguradong makukuha nila agad ang dobladong allowance,” sabi ni Lacuna at idinagdag na pagkatapos na kunin ng mga seniors ang kanilang mga allowance ay maaari naman silang dumiretso sa pinakamalapit na health center para kunin ang kanilang mga libreng gamot.
Nagpahayag si Lacuna ng pasasalamat sa lahat ng mga opisyal ng barangay at health center workers na patuloy na sumusuporta at tumutulong upang tiyakin ang tagumpay ng payout ng seniors pati na ang serbisyong medikal.
Matatandaan na noong Oktubre nang nakaraang taon ay nilagdaan ni Lacuna ang ordinasa na dumodoble sa allowance ng mga senior citizens mula P500 hanggang P1,000 kada Isang buwang. Tinumbasan nito ang P1,000 monthly pension na ibinibigay ng national government’s DSWD sa mga indigent senior citizens.
Ikinalungkot ng lady mayor na mas napaaga sana ang pagdoble ng allowances ng mga senior citizens kung Hindi rin lamang ibinaon sa utang ng dating mayor na si Isko Moreno ang Maynila. Umabot sa kabuuang halaga na P17.8 billion ang minanang utang nang administrasyong Lacuna mula kay Moreno.
Ang allowance para sa senior citizens ay bahagi ng social amelioration program na ipinasa ng Manila City Council noong si Lacuna pa ang Presiding Officer, isang posisyon na kanyang ring hinawakan bilang vice mayor ng Maynila. Kasama rin na ipinamimigay ay ang mga monthly allowances ng mga persons with disability, solo parents at mga estudyanyante mula sa dalawang pamantasan na pinatatakbo ng pamahalaang lokal ng Maynila. (ANDI GARCIA)