Advertisers
Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang mag-asawang guro at 7-anyos nilang anak na babae matapos na ma-trap sa sunog sa kanilang tahanan sa Zone 2, Brgy. Infante, Molo District, Iloilo City nitong Sabado ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawing biktima na si Louelyn Reyes, 49-anyos; mister nitong si Julius Reyes; kapwa guro sa Special for the Arts program ng Iloilo City National High School at anak na si Amber Marie.
Sa report ng Iloilo City Fire Marshall, naganap ang sunog sa loob ng tahanan ng pamilya Reyes 4:00 ng madaling araw.
Ayon sa imbestigasyon, narinig pa ng kakambal ng ginang na si Louela Gregorio ang malakas na pagsigaw ng tulong ng mag-asawang Reyes nang maalimpungatan sila na nasu-sunog na ang kanilang tahanan.
Gayunman, sinabi ni Gregorio sa mga imbestigador na nabigo na silang matulungan ang pamilya ng kaniyang kakambal dahil tadtad ng grill na bakal ang tahanan ng mag-asawa habang ang kanilang mga bahay ay may harang ding konkretong pader.
Iginiit nito na tinangka pa nilang buksan ang pintuan ng bahay ng mga biktima pero masyado nang malaki ang apoy at nababalutan na ang buong kabaha-yan bukod pa sa makapal na usok.