Advertisers
NAHAHARAP sa mga alegasyon ng korapsyon sina Marikina City Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro at kanyang asawa na si Rep. Marjorie Ann “Maan” Teodoro, matapos sampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman ng isang negosyante.
Inakusahan ni Rico Mariano, owner ng Masie Enterprise, ang mag-asawa at ilang opisyal ng lungsod ng isang maanomalyang procurement scheme na umano’y nagbulsa ng pondo ng gobyerno.
Sentro ng kanyang reklamo ang bank records na nagpapakitang may P9.58 milyon na direktang inilabas sa pamamagitan ng manager’s checks para kay Rep. Teodoro, kahit wala itong opisyal na posisyon sa pamahalaang lokal ng lungsod noong panahong iyon.
Kinasuhan ang mag-asawang Teodoro at iba pang sangkot sa paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at Article 217 ng Revised Penal Code (Malversation of Public Funds).
Kabilang sa mga paratang ang pagbibigay ng pabor sa ilang supplier, pagkakaroon ng personal na interes sa mga transaksyon ng gobyerno, at paglustay ng pampublikong pondo para sa pansariling kapakinabangan.
Ayon kay Mariano, ginamit lamang ang kanyang kompanya bilang pronta sa nilutong kontrata ng lungsod, kung saan sa halip na maghatid ng office and school supplies, inutusan siyang kunin ang pondo mula sa Marikina City Hall at ipasa ito sa mga opisyal.
Pinangunahan umano ni Bgy. Kgwd. Marie Joy San Juan ang pagmaniobra sa procurement upang mapaboran ang piling supplier, kabilang ang Masie.
Ipinangako kay Mariano ang eksklusibong kontrata kapalit ng pagsunod sa iskema—pagtanggap ng tseke, pagdedeposito, at pagsasauli ng pera kay San Juan, na umano’y “bagman” ng mag-asawang Teodoro.
Lumabas din sa reklamo na peke ang ilang procurement transactions, may mga supply na hindi na-deliver, at inaprubahan ang mga bayad gamit ang disbursement vouchers mula sa city accountants at treasurers at kabilang dito sina City Accountant Erlinda Gonzales, Acting City Treasurer Miguel Rebanal, at Acting City Treasurer Florenia Gamad.
Ayon kay Mariano, inutusan pa siyang mag-isyu ng manager’s checks direkta kay Rep. Teodoro, kahit wala silang transaksyon ng mambabatas.
Isinumite ni Mariano bilang ebidensya ang procurement documents, text messages ni San Juan, at bank records na nagpapatunay ng P9.58 milyong direktang napunta kay Rep. Teodoro. Ayon sa kanya, umabot sa P26.75 milyon ang transaksyon na ginawa ng Masie para sa lungsod.
Hinihimok ni Mariano ang Ombudsman na agad suspendihin ang mga sangkot na opisyal upang hindi maapektuhan ang imbestigasyon.