Advertisers
HINOLDAP at ginahasa ng 41-anyos na lalaki ang 21-anyos na single mom sa Barangay Sira Lupa, Calamba City, Laguna.
Ayon sa ulat, papasok na sana ang biktima sa kaniyang trabaho nang tiktikan siya ng isang lalaking sakay ng motorsiklo.
Natangay sa biktima ang kaniyang cellphone, wallet at ATM card, at pilit siyang isinakay sa motorsiklo at dinala sa gubat habang tinututukan ng baril.
“Sinakay po n’ya ako ng motor, tapos binalik n’ya papunta sa may gubat. Kinaladkad po n’ya ako papuntang gubat. Huwag daw po ako magpapasaway sa kaniya hindi raw n’ya po ako papatayin.
Nagmamakaawa na po ako,” anang biktima.
Agad humingi ng tulong ang biktima nang siya’y lubayan ng lalaki.
Samantala, ilang oras lang daw ang lumipas nang muling magparamdam sa kaniya ang lalaki sa pamamagitan ng isang chat message at sinabing gusto pa raw nitong makipagkita sa isang motel.
“Sabi n’ya makikipag-meet up daw po siya sa akin, magmo-motel daw po kami dahil hindi raw po siya satisfied sa ginawa n’ya. Kapag hindi daw ako pumunta papatayin daw po n’ya anak ko,” pagsasalaysay ng biktima.
Nagpasya ang biktima na magsumbong sa pulisya.
Ayon sa Calamba City Police, nasa apat na babae na ang nagrereklamo hinggil sa lalaking nakamotorsiklo at nanghihipo.
“Based po sa barangay, mayroon na po mga report na ‘di umano ay may lalaking nanghihipo na nakasakay sa motor. Well, base po sa description ng ating mga naunang biktima, iisa lang din po itong suspek na naaresto,” ani PSMS Jeynita Ferrer.
Nagkasa ng operasyon ang pulisya at natimbog ang lalaki. Narekober sa kaniya ang iba’t ibang ID at ATM cards ng ilang babaeng biniktima nito.
Nasa kustodiya ng Calamba City Police Station ang lalaki.