Advertisers
ARESTADO ang officer in charge ng isang police station at 2 pa iba nang makuhanan ng mga smuggled na sigarilyo sa isang check point sa Sinacaban, Misamis Occidental noong Marso 1, 2025.
Kinilala ang naaresto na sina Major Gerald Aranas, 45 anyos, OIC ng Dumalinao Municipal Police Station, Zamboanga Del Sur, ng Brgy. San Jose, Pagadian City; Jeffrey Baga, 38, driver, ng Lapasan, Clarin, Misamis Occidental at Edwin Guisadio, 35, ng Tiguna, Pagadian City, Zamboanga del Sur.
Ayon kay Colonel Rommel Magleo, director ng Misamis Occidental Police Provincial Office, 5:30 ng umaga nang maharang ang mga suspek sa checkpoint ng pinagsanib na elemento ng Misamis Occidental Regional Mobile Unit 10, Sinacaban Municipal Police Station at Oroquieta City Police Station sa Sinacaban, Misamis Occidental.
Nagsasagawa ng checkpoint ang mga otoridad nang parahin ang mga suspek na sakay ng isang kulay Metallic silver Toyota Innova (JAT 9124) para sa inspeksyon, pero sa halip na huminto ay pinatakbo ng mabilis ng driver ang sasakyan.
Hinabol ng mga operatiba ang nasabing sasakayan hanggang sa makorer ito sa Brgy. Tipan, Oroquieta at naaresto ang tatlong sakay nito.
Nang siyasatin ang laman ng sasakayan, nasamsam ng mga operatiba ang 36 cases ng mga sigarilyo na walang kaukulang papeles na maipakita ang mga suspek.
Nasa kustodiya ng Oroquieta City Police Station ang mga suspek.
Nahaharap ang 3 suspek sa kasong paglabag sa sa Section 263 at Section 265 ng RA 8424 (an Act Amending the National Internal Revenue Code, as Amended 0 at Omnibus Election Code.
Habang si Aranas ay sasampahan ng kasong administrative. (Mark Obleada)