Advertisers
‘NO TO TOLL FEE INCREASE’…ito ang panawagan ng mga truckers maging ng mga nagsusuplay ng mga paninda lalo na yung mga ibinabagsak sa mga palengke partikular na ang mga produktong agrikultura.
Ipinunto ng mga ito na tataas ang presyo ng mga paninda kung tataas ang bayad sa ‘Toll Fee’ na pihadong ang taumbayan o mamimili ang apektado dahil sila ang tunay na magbabayad.
Ang problema ay mali ang impormasyon na ibinibigay ng mga ito sa publiko kaugnay sa ipapatong na dagdag presyo sa kanilang paninda sakaling matuloy ang pagtaas ng Toll Fee.
Halimbawa na lang na magtaas ng karagdagan na P1,000 sa Toll Fee ng trak na may lulan na 20,000 kilo ng bigas ay singko sentimos lang bawat kilo ang itataas ng bawat kilo ng bigas.
Sigurado naman hindi magaganap na biglaang dagdag na P1,000 ang ipatutupad na taas-singil subalit sakali man na ganoon at bibili ang pobreng kababayan natin ng tatlong kilo ng bigas ay 15 sentimos lang ang epekto nito.
Ganyan lang ang epekto kahit lampas langit na ang inilatag na halimbawa ng taas-singil subalit itong mga truckers at nagsusuplay ng paninda ay kwentadang lampas langit naman ang ipapatong.
Marahil ay ganito ang siste sa kwentada na ginawa ng mga oportunistang ito. Kung sakaling nagtaas ng P1,000 sa ‘Toll Fee’ ay itataas naman ng truckers ang kanilang singil sa nagsusuplay ng paninda ng lampas P1,000.
Kung sakaling nagtaas ng P5,000 ang truckers dahil sa P1,000 taas-singil sa Toll Fee ay tiyak naman na ang P5,000 dagdag ay ipapataw naman ng nagsusuplay ng paninda mula P10,000 hanggang P20,000 na dagdag presyo.
Kapag ganyan ang siste ay tiyak na ang P1,000 taas-singil sa Toll Fee ay aabot sa halos limang piso ang epekto sa kada kilo ng bigas na dapat sana ay singko sentimos lamang kung walang abusadong oportunista sa naturang sektor.
Bantayan dapat ito ng ating gobyerno tuwing mayroon mga taas-singil gaya ng Toll Fee dahil marami ang mga abusadong oportunista na tiyak ay ganito rin ang nangyayari kaya sobrang tataas na ng presyo ng mga paninda sa mga pamilihan.
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com