Advertisers
SINABI ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na iimbestigahan nila ang dahilan ng pagbagsak ng isang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela nitong Huwebes ng gabi. Ang naturang proyekto, ginastusan na ng mahigit P1.2 bilyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng DPWH sa Cagayan Valley (Rehiyon 2) na ang ikatlong parte ng tulay mula sa bahagi ng Cabagan ang bumagsak dakong 8:00 pm matapos dumaan ang isang dump truck na may kargang mga malalaking bato na tinatayang may bigat na 102 tonelada.
Ayon sa DPWH, umabot na ang gastos sa paggawa ng tulay sa P1,225,537,087.92– “covering both the bridge and its approaches.”
Sinimulan ang paggawa sa tulay noong November 2014 at natapos noong February 1, 2024.
Sa social media post ng Cagayan Provincial Information Office, inihayag umano ng mga awtoridad na isinailalim sa retro-fitting ang nasabing tulay at tanging maliliit na sasakyan lamang ang pinapayagang dumaan
Ayon pa sa DPWH, may kabuuang haba ang tulay na 990 metro, na binubuo ng 12 arch bridge na may haba na 60 metro ang bawat isa, at siyam na pre-stressed concrete girder (PSCG) spans. Ang mga approaches nito ay may kabuuang haba na 664.10 linear meters.
Tinukoy din ng DPWH na ang R.D. Interior, Jr. Construction ang kontratista sa proyekto. Habang sinusulat natin ang isyung ito ay sinusubukan pa ng pitak na ito na makuha ang komento nila sa nangyayari.
Anim ang nasaktan sa naturang insidente, kabilang ang isang bata.
Samantala nakahanda na si Senate Committee on Public Works Chairman Ramon “Bong” Revilla Jr. na dinggin ang resolusyon na layong imbestigahan ang mga insidente ng pagbagsak ng tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inihain ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Senate Resolution 1319 para siyasatin “In Aid of Legislation” ang mga insidente ng pagbagsak ng mga tulay tulad ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela nito lamang February 17, Magapi Bridge sa Balete, Batangas noong October 28, 2024, Bantilan Bridge noong October 29, 2022, at marami pang iba.
Ayon kay Revilla, sa kabila ng pagiging abala sa halalan ay handa ang kanyang komite na magsagawa ng imbestigasyon sakaling mai-refer ito sa Committe on Public Works.
Maaari aniyang ma-i-refer ito sa kanyang komite o sa Senate Blue Ribbon Committee.
Inatasan naman ni Revilla ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng report tungkol sa tulay na bumagsak at hinihintay na lamang niya ito.
Muling iginiit ni Revilla na dapat ay may ulong gugulong o masibak sa insidenteng ito hindi lang ang mga contractor kundi pati ang mga tauhan ng DPWH na sangkot sa proyekto.
Subaybayan natin!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com