Advertisers
Maraming halalan ang dumaan at napagpasyahan ng bayan subalit hindi umuunlad ang kalagayan sa buhay ang maraming Pinoy higit ang nasa laylayan. Sa demokrasya ang boses ng nakararami ang pasyang sinusunod at ang pagpapasyang nagtatakda ng kung sinong Pilato ang maupo sa silyang naghahandog ng kaginhawahan. Ang pagpapasya ng nakararami ang boses na dinidinig ng bansa sa higit sa halalang idinaos saan mang lupalop ng mundo. Ang pagpapasyang bangit ang sangkalan ng lider para sa mga pagbabagong ibig higit sa pakinabangan ng bayan at nakararami. Maganda ang paraan ng pagpapaabot ng bayan o mamamayan sa kung sino ang ibig na manungkulan at maglilingkod sa kanila sa ilang panahon. Ang proseso ng halalan sa bansa ang tunay na kaibigan sa pagpapakita ng mga lider sa baba o sa tao ng kanilang hilatsa at pagsasabi ng programa na ibig ipatupad para sa kagalingan ng nakararami.
Sa paglalahad ng mga gagawin sa pag-upo sa pwestong ibig, umaasa ang bayan na ang bawat pangakong binitawan, may magaganap higit sa kabutihan ng mamamayang lunod hirap ng buhay. Ang mga inihalal na lider higit ang mga bumabalangkas ng batas ang dumidinig sa mga panukalang pondo ng mga tanggapan ng gobyerno. Inaasahan ang pagtatanong sa mga kinatawan ng mga tanggapan sa programang ibig isakatuparang ang gawain sa pwestong inaasaman. At inaasahan na madama ang layon ng mga tanggapan sa mga programa o proyektong ililinya, sa kung paano at sino ang magpapatupad ng mga proyekto. Sa pagtatanong ng mga halal ng bayan nababatid ang halaga, pakinabang at sinong mga taong ang magpapatupad ng programa na basehan sa singilan sa hinaharap, higit kung may aberya. Karaniwan ang mga pag-uusisa sa mga proyektong naisakatuparan, ang mahalaga ang pagtupad at anong mga kaukulang pagsisiguro sa kagalingan ng programa higit may tuwirang epekto sa bayan at mamamayan, di ba Markado V?
Ang gawaing nakaatang sa balikat ng mga kinatawang bayan ang basehan sa pagpapasya ng bayan kung sinong kandidato ang babasbasan upang itindig ang ibig na kagalingan pambayan. Sa totoo lang, mahirap ang pagpapasya sa kung sino ang karapat dapat na kumatawan sa interes ng nakakarami sa simpleng dahilan, matamis ang pangako bawat naghahabol sa ilang pwestong inaasam. Sa kabilang banda, maririnig na kagalingan ng bayan ang sambit ng mga ambisyosong politiko o ipinangangalandakan ang mga napatayong gusali, kakalsadahan, tulay o maging ang mga shed na tambayan ng kalabaw sa kanayunan na walang pakinabang ang bayan. Ngunit malaki ang kita sa nagpatayo at nagtayo ng proyekto.
Samantala ang katotohanan, nalilimutan ang lahat ng inusal na pangako higit kung nalasap ang rangya na dulot pwestong natanganan o tatanganan. Sa totoo lang, ma-inam ang ibig ipatupad na programa o proyekto subalit ito’y sa salita at ‘di sa gawa. Ikaw Mang Juan, pinagakuan na ibig pang tuparin ang pangakong binitiwan. Ano ka swerte? At ikaw Mang Juan na ang pakinabang ay sa panahon ng halalan?
Ilang panahon na ang tumakbo at nasilip na kilala sa ibang industriya higit ang mga laos sa pag-arte ang lumalahok sa bagong tahakin ng buhay. Sa nasilip sa nakaraan sa kasalukuyan mga halal ng bayan, malinaw ang layon, ang mapasok ang bagong larangan na magdadala ng rangya sa kabuhayan. Walang hirap ang umarte sa harap ng mga tao at pakitaan ng kagalingan sa pagsayaw o drama ng malilo’t ihalal sa pwestong asam. Hindi usapin sa mga nag-aambisyon ang gagawin kung mananalo dahil ang mahalaga’y makarating sa layon at ang pagpapasya ng magagawa’y ipapakita sa ganap na pagkakahalal. Sa totoo lang, walang hirap sa pag-usal ng kagalingan para sa nakakarami na karaniwan kahit sa dating industriyang ginalawan. Ang husay sa pag-arte ang puhunan na magagawa ng walang hirap maging sa harap ng maraming tagapanood ngunit ‘di sa nagmasid.
Marangal ang larangan na nakataya sa darating na halalan higit bilang kinatawang bayan na kailangan ang pagsang ayon ng nakakaraming bobotante. Sa totoo lang, nag-uunahan ang mga nagpapahalal sa paglapit sa tao sa laylayan na dala ang pangako maging ang pang-abot sa araw ng pagdalaw. Mahirap ang humarap sa tao sa layalayan higit ang mga bagito sa politika na walang maipakitang kagalingan kundi ang pag-arte. Habang ang iba, ginawang sangkalan ang kasikatan sa radio o social media na kasalukuyang gawain at pangakong magtutuloy – tuloy ang serbisyong simulan, ang pangakong inusal na laway ang puhunan.
Sa bayan at mamamayan hindi inaalis ang Karapatan sa pagpili ng mga ibig na tao higit sila’y hinahangaan sa dating larangan na kinabibilangan. Batid na ang pagpapasya’y para sa kagalingang ng nakakarami ngunit madalas na sala ang pasya sa pagpili sa mga nakaraang halalan. Nariyan na minsang naghalal sa panguluhan ng artistang sikat sa nakaraan ngunit napansin ang kawalang alam sa pwestong natanganan, pinalayas sa pwesto ng panguluhan. Ang kalidad ng pagpapasya higit sa pagpili ng lider na kakatawan sa interes ng nakakarami ang isa isip sa pagpapasyang gagawin. Isantabi sa pagpapasya ang puso sa napipisil na hinahanngaan at unahin ang interes ng nakakarami na dadalhin sa bulwagan, higit sa senado.
Bayan, hindi lahat ng ibig nang nakakarami ang tamang pasyang susundan sa halalan higit sa aga ng panlililo ng mga kandidatong ipinangangalandakan ang kagalingan sa nakaraan ngunit walang alam sa papasukang larangan. Silip sa nakaraan at sa kasalukuyan kung paano kumilos ang mga walang lilim na mga senador na sarili lang ang dala at hindi ang bayan. Ilang ulit ng namalas ang pagtindig na palihis sa mga usaping may pakinabang ang bayan. May mga pahayag na ‘di ibig maungkat ang katotohanan sa usapin ni Mary Grace Piattos sa kadahilanang, kaibigan. Tama ba ang tindig higit ang salapi ng bayan ang nakasalang?
Muli, ibig ipaabot sa mga bobotante na pumili ng mga kakatawan sa atin sa mga kapulungan ng kongreso higit sa senado ng tatayo sa kagalingan ng bayan at mamamayan. Ituwid ang kamalian sa nakaraan sa pagpili ng mga kinatawang bayan na uunahin ang kagalingan ng bayan higit sa paggamit ng mga pinagpawisan ng mamamayan. Ang magamit sa tama ang buwis na alay sa pakinabang ng bawat Pinoy na tunay na nangangailangan. Ilang pagpapasya sa nakaraang halalan na kita ang sala ng nakakarami sa mga napili na ‘di tumayo para sa kagalingan ni Mang Juan. Ang sala ng nakakarami sa nakaraan ang ituwid sa pasya sa darating na halalan ng ‘di masundan ang kawalang alam ng mga kinatawang bayan at sumulong ang kagalingan ng bayan at mamamayan.
Maraming Salamat po!!!!