Advertisers
MULING nanindigan si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa kaniyang posisyon na hindi niya pasisimulan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado habang naka-recess ang sesyon ng Kongreso.
Ginawa ni Escudero ang reaksyon kasunod ng planong mangalap ng may isang milyong pirma upang ipanawagan sa Senado na simulan na ang paglilitis kay Duterte.
“No amount of signatures will amend the law nor convince me to violate it by convening the impeachment court during recess and without complying with the requisite conditions precedent,” pahayag ni Escudero.
“The law is not bendable and should not bow to anyone’s dictate simply because of their own desire, bias and timetable of wanting to rush the impeachment proceedings vs VP Sara,” paliwanag ng Pangulo ng Senado.
Una rito, inilunsad ang People’s Impeachment Movement (PIM) na kinabibilangan ng iba’t ibang religious groups at sectoral representatives na layuning makakalap ng nasa isang milyong lagda hanggang Hunyo 8 upang ipakita sa Senado ang panawagan ng mga tao na litisin na si Duterte.
Inihayag na rin ni Escudero na ang impeachment proceedings ay hindi kabilang sa mga layunin sa pagpapatawag special session.
Matatandaang sinabi ni Escudero na posibleng simulan ang paglilitis sa Hulyo 30 kung saan uupo na ang mga bagong senador na mananalo sa darating na May midterm elections. (Mylene Alfonso)