Advertisers
ILANG lokal na pamahalaan ang sinuspinde ang pasok sa mga paaralan mula noong araw ng Lunes dahil sa tinatawag na ‘Heat Index’.
Bagaman may katotohanan ang impormasyon na ito pero nagpasiklaban ang mga lokal na pamahalaan sa usapin ng suspensiyon ng pasok ng mga bata sa paaralan na tiyak na masusundan pa ang mga ganitong anunsiyo.
Yung isang alkalde sa Kamaynilaan na noo’y kilala ng mga estudyante na walang habag dahil kahit sobrang lakas na ng ulan at binabaha na ay tuloy pa rin ang mga klase. Ang sabi ay 42 degrees ang init pero 38 degrees lang pala…salto si mayor talangka!
Pero nang dahil marahil sa nalalapit na halalan at tila tagilid sa kanyang kandidatura na muling masungkit ang trono sa City Hall ay mabilis pa sa kidlat na sinuspinde ang klase dahil sa banta ng sobrang init ng panahon.
Nagsunuran din agad-agad ang iba pang mga talangka sa pagsuspinde ng mga pasok sa kani-kanilang paaralan na kanilang nasasakupan nang dahil din sa init ng eleksiyon este mali… panahon [yata].
May bulungan pa tuloy na tila inggitan sa pagitan ng mga titser mula sa bayan na hindi nagsuspinde ng klase at mga titser naman doon sa kapit-bahay na bayan na ang namumuno ay utak-talangka sa tulin ng paggaya ng suspensiyon ng klase.
Kakaiba na ang panahon sa kasalukuyan. Kapag umulan o bumagyo ay talagang malalakas na pero kapag uminit naman ay sadyang malaki ang posibilidad na magkasakit ang mga tao o kaya naman ay nagiging sanhi pa ng kamatayan.
Napapanahon na upang bumalangkas ng pamantayan ang gobyerno nasyonal upang maging basehan kung kailan ipatutupad ang suspensiyon sa klase o pasok man sa trabaho nang dahil sa banta ng init.
Hindi ito dapat ilagay sa kamay o desisyon ng mga alkalde o gobernador lalo na kung panahon ng eleksiyon gaya na lamang ngayon na pihadong magagamit upang magpapansin sa kanilang mga botante.
Sila na karamihan sa mga ito ay utak-talangka sa pagbibigay ng desisyon patungkol sa kalagayan ng panahon pero wala naman sapat na kaalaman patungkol sa lupit ng ulan o init na posibleng maranasan ng ating mga kababayan.
***
Para sa komento o suhestiyon: eksperto1971@gmail.com