“Forthwith” nangangahulugang pigilan ang korapsyon at bigyang proteksyon ang constitutional government…‘CHIZ NILALABAG ANG CONSTITUTION’
Advertisers
TAHASANG sinabi ng isang miyembro ng Constitutional Commission na nagbalangkas ng kasalukuyang konstitusyon, ang probisyon na “forthwith” sa Konstitusyon na agarang simulan ang impeachment trial na isang “utos” at layunin nitong pigilan ang mga pang-aabuso ng mga opisyal ng gobyerno, panagutin sila, at mapanatili ang “constitutional government.”
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Atty. Rene Sarmiento, ang anim na buwang pagkaantala sa paglilitis na gusto ni Senate President Chiz Escudero ay “hindi makatwiran”.
Idinagdag pa nito na ang lahat ng mga patakaran, batas, at polisiya ay “dapat sundin ang Konstitusyon” alinsunod sa doktrina ng konstitusyonal na kataas-taasan.
Nanindigan si Sarmiento na kung hindi ito susundin, ang “kamandag” ng batas ay hindi na dapat naroroon at ang mga nagkakamaling opisyal ng gobyerno ay hindi na matatakot.
Dahil dito, hindi tuloy naitagong kwestiyunin, kung bakit gustong simulan ni Escudero ang paglilitis sa Hulyo 30, halos anim na buwan matapos isumite ng Kamara ang mga artikulo ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte noong Pebrero 5 gayung maari naman ngayong Marso 15 o sa Abril.
Matatandaang nag-adjourn ang sesyon ng Senado isang oras lamang matapos matanggap ang mga article of impeachment o reklamo gayong mayroon pang dalawang araw o hanggang Pebrero 7 sa kanilang kalendaryo.
Mula noon, sinabi ni Escudero na hindi maaaring litisin ng Senado si Duterte sa panahon ng kanilang session break.
Bukod dito, binalewala rin ni Escudero ang lahat ng mga panawagan at argumento para sa agarang pag-convene ng impeachment court at hiniling pa nito na dapat mayroong “clamor” bago niya ipagpatuloy.
Binigyang-linaw ni Sarmiento na “dapat walang pagkaantala” sa impeachment trial tulad ng iniuutos ng Konstitusyon dahil ang isyu ng pananagutan sa gobyerno ay “mahalaga…dahil ang pampublikong tungkulin ay isang pampublikong tiwala”.
Idinagdag pa, nito na maraming miyembro ng komisyon ng konstitusyon ang sumasang-ayon sa kanya na ang “forthwith” ay nangangahulugang “dapat ituloy agad, at hindi nag-aatubili.”
Si Duterte ay inakusahan ng mga malalaking krimen kabilang ang korapsyon na umaabot sa bilyun-bilyong piso at pagbabanta na patayin ang Pangulo at Unang Ginang.