Advertisers
WALANG immigration personnel ang sangkot sa ilegal na paglabas sa bansa ni dating Bamban Mayor Alice Guo na naaresto sa Indonesia noong September 4,2024.
Kinumpirma ni Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado nitong Martes na ayon sa resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon, walang ebidensya na sangkot ang mga tauhan ng ahensya sa ilegal na paglabas ni Guo sa mga pangunahing paliparan sa bansa.
Ginawa ni Viado ang pahayag matapos ipagpatuloy ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang imbestigasyon sa nakaraang pagtakas ni Guo.
Sa panahon ng pagdinig, kinumpirma ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) na ang pinakamalamang na paraan ng paglabas ay sa pamamagitan ng backdoor sa pinakatimog na bahagi ng bansa.
Sinabi ni Viado na habang ang mga pribadong baybayin at airstrips ay hindi pinamamahalaan ng BI, at nasa ilalim ng monitoring ng kanilang mga local government units (LGUs) at mga local law enforcement agencies (LEAs), ang BI ay labis na nababahala na ang mga ‘butas’ na hangganan ng bansa ay inaabuso ng mga walang prinsipyong indibidwal. (JOJO SADIWA)