Advertisers
NATAGUPANG nakalibing sa mababaw na hukay ang 14-anyos na dalagita na napaulat na nawawala sa Panabo City, Davao del Norte.
Sa report ng Davao City Police, nadiskubre ang pinaglibingan sa biktima gabi ng Marso 1 sa Barangay Little Panay sa nasabing lungsod matapos itong hanapin ng kaniyang ama na itinago sa pangalang “Mark”.
Ang biktima, na itinago sa pangalang Cyrille, ay napaulat na nawawala nitong huling bahagi ng Pebrero.
Itinuro ng mga testigo na ang stepfather ng biktima na si Mark Bernabe, 40 anyos, ang huling nakitang kasama ng dalagita bago paman nadiskubre ang bangkay nito.
Ayon sa mga awtoridad, inaresto nila si Bernabe nang isang manggagawa sa isang banana plantation ang nakapagturo sa kanya na bago nawala ang biktima ay ang nasabing amain ang kasama nitong naglalakad patungo sa may sagingan.
Sa nasabing lugar ay may nakita ang mga awtoridad na nakaumbok na lupa, at nang kanilang hukayin ito ay dito nadiskubre ang bangkay ng dalagita. Sa kabila ng ulat ng suspek sa pulis na nawawala ang kanyang anak-anakan, naghinala ang mga awtoridad na may “foul play” sa insidente dahil nang matagpuan ang bangkay ng dalagita ay nakitaan ng mga indikasyon na sinaktan ang biktima, bago pinatay at ibinaon sa lupa.
Nakakulong na si Bernabe, na noong una itinanggi pa ang krimen, pero kalaunan inamin din niya matapos siyang ituro ng testigo.