Advertisers
Ni Blessie Cirera
KUNG sakaling matuloy na ang kasalang Sam Verzosa at Rhian Ramos, nais daw ng mayoralty aspirant na sa lungsod ng Maynila ito mangyari.
Well, hindi naman ito nakapagtataka lalo pa’t isinilang si Sam sa nasabing siyudad at tumatakbo pang alkalde ng Maynila.
Payag naman daw si Rhian kung saan ito gusto ganapin ni Sam.
Ang mga pangungusap na ito ay naganap sa mediacon ng bagong lifestyle show ng Kapuso actress na Where in Manila na ipalalabas na simula sa Sabado sa GMA 7.
Ang naturang programa ni Rhian ang pansamantalang hahali sa Dear SV ni SM na kailangang magpahinga saglit sa kanyang show dahil kumakandidato nga.
Tsika pa ni Rhian na adventurous daw siyang tao kaya tiyak na mae-enjoy niya ang mga pupuntahan niyang lugar sa Maynila, ang magagandang tanawin at mga pagkain na nais niyang tikman.
“Hindi porke’t sosyal, English speaking ay maarte na ako sa mga pupuntahan at kakainin,” sey ng dalaga.
Dinagdag pa ni Rhian na paborito anya niya ang iba’t ibang streetfood gaya ng betamax, isaw, kwek kwek, siomai at inihaw na balut.
Nais din daw ni Rhian na matulungan ang maliliit na negosyante at ang turismo sa siyudad.
Marami pa rin daw ang hindi nakaaalam na maraming magagandang tanawin sa Maynila at sa pamamagitan ng kanyang programa, maipakikita anya niya ito sa mga manunood.
Sabi naman ni SV, mahal umano niya ang Dear SV kaya lang kailangan muna niya itong iwan sa ngayon dahil sa pagtakbong Manila mayor.
Mami-miss daw niya ang mga ginagawa niya sa show at ang pagtulong niya sa mga nangangailangan lalo na sa mga Manilenyo.
Naniniwala si Sam na sa pamamagitan ng Where in Manila ay maipakikita pa ang tunay na kagandahan ng lungsod at makatutulong din ito sa mga maliliit na negosyante.
Ang Where in Manila ay ipalalabas tuwing Sabado simula sa March 8 sa ganap na alas-11:30pm sa GMA 7.