Advertisers
Hindi dapat maging kapalit ng pagsisikap ng Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang dignidad at kaligtasan, lalo na’t hangad lang nila ang mas magandang kinabukasan ng kanilang pamilya.
Ito ang sentro ng panukalang batas na ihahain ni ACT-CIS Partylist Representative at House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso ngayong Hunyo.
“Hindi sapat na suriin lang ang kontrata ng mga OFWs bago sila ipadala sa ibang bansa.
Kailangan nating tiyakin na mahigpit itong naipatutupad kahit ilang taon na silang nagtatrabaho. Dapat magkaroon ng mas epektibong on-site monitoring ang Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensya upang maprotektahan ang ating mga kababayan mula sa pang-aabuso,”saad ni Tulfo sa pakikipag-usap niya sa Filipino Community sa Paris, France para sa Barrio Fiesta 2025.
Isusulong ng mambabatas ang pagpapalakas ng Philippine Overseas Labor Offices (POLOs) at mas mabilis na case handling sa DMW, OWWA, at mga embahada upang agarang matugunan ang hinaing ng ating mga OFWs.
“Hindi dapat matakot ang ating mga OFWs na ipaglaban ang kanilang karapatan dahil sa takot na mawalan ng trabaho.
Panahon na para magkaroon sila ng tunay na kakampi,” giit ni Tulfo.
Bilang tagapagtanggol ng karapatan ng OFWs, isinulong din ni Tulfo ang “Free OFW Financial Education Act” at “Overseas Filipino Workers’ Fraud Protection Act.”
“Hindi tayo titigil sa pagsusulong ng mga batas at pagsubaybay sa implementasyon nito upang tuluyang matigil ang pang-aabuso sa ating mga OFWs,” dagdag niya.
“Hindi na puwede ang ‘puwede na’ pagdating sa kanilang kapakanan—hindi lang ito tungkol sa hanapbuhay, kundi sa mismong buhay nila,” pagtatapos na pahayag ni Senatorial Aspirant Rep. Tulfo. (Cesar Barquilla)