Advertisers

Advertisers

‘Panlilinlang’ ni Sec. Jonvic: PNP OFFICER IBUBUNYAG ‘MASAMANG SCRIPT’ SA SENADO

0 67

Advertisers

HANDANG ibunyag ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang pekeng kwento ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla sa nalalapit na Senate hearing na pangungunahan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Lunes.

Ito ay kaugnay sa maling pinalalabas ni Remulla na may “rescue operation” ang Anti-Kidnapping Group (AKG) sa kaso ng 14-anyos na estudyante mula sa British School Manila. Ang katotohanan—walang rescue na naganap. Ang bata ay natagpuan at na-recover ng pulisya sa mismong bahay nila. Itutuwid ng mga opisyal ang kasinungalingang ito sa harap ng Senado at ng publiko.

“Ang totoo ang mananaig. Hindi kami magpapagamit sa scripted drama,” ayon sa isang opisyal ng PNP.



Lalong lumakas ang posibilidad na “fake news” ang kuwento ni Remulla matapos ipag-utos ni PNP Chief, General Rommel Francisco D. Marbil, na i-relieve si AKG chief Colonel Elmer Ragay na sasailalim sa internal investigation tungkol sa isyu.

Si Ragay, kasama sina PNP Deputy Chief for Administration Jose Melencio Nartatez; NCRPO director BGen. Anthony Aberin at iba pang matataas na opisyal ay laman ng viral videos kungsaan makikitang tumungo sila sa bahay ng biktima.

Binigyang-diin ni Gen. Marbil na ang relief ni Col. Ragay ay simula pa lamang ng mas malalim na imbestigasyon upang tiyakin ang integridad ng PNP.

Tiniyak din niya na makikipagtulungan ang PNP sa Senado upang mailahad ang buong detalye ng insidente at maipakita kung sino ang tunay na nagtatangkang lokohin ang publiko.

Samantala, hindi rin maitago ng anti-crime groups ang pagkadismaya sa pahayag ni Remulla na bumababa ang krimen sa bansa. Ayon sa kanila, kabaligtaran ito ng realidad, lalo na sa harap ng brutal na pagdukot sa 14-anyos na estudyante sa Taguig, kungsaan pinutulan pa itoa ng daliri ng kidnappers.



Ayon kay Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President Arsenio “Boy” Evangelista, hindi kapayapaan kundi matinding takot ang umiiral ngayon. Imbes na tiyakin ang seguridad ng publiko, tila may mga opisyal pang nagsasamantala sa insidente para sa pansariling interes. “Nakakabahala na tila nagkakapera pa ang iba sa ganitong klase ng krimen,” aniya.

Sa isang pulong balitaan sa Malacañang, sinabi ni Remulla na ang kidnappers ay humingi umano ng $20 milyon ransom, na kalauna’y bumaba sa $1 milyon. Iginiit niyang walang ransom na ibinayad ang pamilya—isang pahayag na hindi kinumpirma ng iba pang grupo at tagamasid sa kaso.

Sa halip na malinawan ang publiko, lalong lumakas ang mga espekulasyon matapos lumabas sa social media ang impormasyong taliwas sa sinabi ni Remulla. Viral ngayon ang diumano’y maling pahayag ng kalihim, hindi lamang sa sambayanan kundi pati kay Pangulong Marcos. Bukod sa wala umanong koneksyon sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ang pamilya ng biktima—na kabaligtaran ng sinabi ni Remulla—may impormasyon ding hindi totoo ang kanyang pahayag na walang ransom na ibinayad.

Lalong lumala ang kontrobersya nang lumabas ang balitang walang rescue operation na naganap, taliwas sa ipinagmamalaki ng Kalihim. Ayon sa mga lumulutang na impormasyon, nakuha na ng pamilya ang bata sa tulong ng isang Tsinoy businessman na kaibigan mismo ni Remulla.

Hindi rin lingid sa Movement for Restoration of Peace and Order (MRPO) ang pangamba sa lumalalang kidnapping sa bansa. Ayon sa lider nitong si Teresita Ang See, malaki ang epekto ng insidente, lalo na sa Tsinoy community, na madalas target ng ganitong klase ng krimen.

Sa harap ng lumalawak na pagdududa, hindi maiiwasang itanong ng publiko kung ano ang motibo ni Remulla sa kanyang mga pahayag. Ang dapat sana’y malinaw at patas na impormasyon ay tila naging kasangkapan sa panlilinlang.

Ngayong Lunes, haharap sa Senado ang mga opisyal ng PNP upang ituwid ang fake news ni Remulla at linawin na walang rescue operation na naganap—kundi isang simpleng recovery ng bata sa kanilang bahay.