Advertisers
NASAWI ang dalawa katao at isa ang sugatan nang tambangan ang 11-vehicle convoy ng isang mayoral candidate sa Pilar, Abra noong Biyernes, Pebrero 28.
Kinilala ang mga nasawi na sina Froilan Bueno, kapitan ng Barangay Quillat ng Langiden; at kaniyang pinsan na si Kevin Bueno.
Natagpuan ng mga awtoridad si Kevin na may tama ng bala sa ulo sa loob ng sports utility vehicle sa pinangyarihan ng insidente.
Nagtamo naman ng tama ng bala sa tiyan si Froilan. Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.
Dinala ang kasamahan nilang si Sonny Bisares sa ospital sa Bangued dahil sa tama ng bala sa kaniyang hita.
Sa ulat, si dating Languiden mayor Artemio Donato, na tumatakbong mayor ng Pidigan, ang target sa pag-atake.
Papunta si Donato sa Villaviciosa nang atakihin sila sa Sitio Palicad, Brgy. Poblacion.
Hindi nasaktan si Donato sa insidente.
Ayon kay Cordillera police information officer Lt. Col. Carol Lacuata, nagkasa na sila ng manhunt operation laban sa mga salarin.