Advertisers
MALIBAN sa malawakang vice at paihi/buriki operation, paiimbestigahan din ng grupo ng anti-crime and vice crusaders ang posibleng matagal nang anomalya na pagsasabwatan ng ilang beach resort operator sa Puerto Galera, Oriental Mindoro at sa Isla Verde, Batangas City, port officials at iba pang opisyales ng gobyerno kabilang ang ilang opisyales ng barangay upang magamit ang fish sanctuary sa naturang isla bilang diving at spear fishing area ng mga dayuhan at lokal na turista, kapalit ng mataas na “diving fee”.
Sa Pulong Bato Fish Sanctuary na matatagpuan sa halos isa at kalahating milya ang layo sa dalampasigan ng Sito Kamotehan, Brgy. San Agapito, Isla Verde Batangas City ang nagsilbing huling hantungan ng dalawang Russian national na kinilalang sina Llia Peregudin, 29 at Maksim Melekhov, 39.
Batay sa ulat ng Batangas Coastguard Station Commander Capt. Airland Lapitan ay kapwa namatay sa pagkalunod ang dalawa at pinaniniwalaan pang sinagpang ng pating ang isa sa biktima pagkat natagpuang naputol ang kanang braso nito.
Ang dalawang biktima kasama ng dalawa pa nitong kababayan at ng isang Filipino diving instructor na dumayo ng araw ng Huwebes sa Pulong Bato Coral Reef na hindi lamang bantog na fish sanctuary ngunit balita ding pinamumugaran ng mababangis na white at tiger shark.
Bagamat mapanganib at ipinagbabawal ang mag-diving pagkat tirahan ito ng libu-libong ibat ibang uri ng isda ang naturang bahura na sa Verde Island Passage lamang matatagpuan sa buong mundo ay marami pa rin mga lokal na bakasyunista at dayuhang turista ang dumarayo dito.
Nabatid sa ulat ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) na ginagawang kasangkapan ng mga beach resort operator sa kalapit na bayan ng Puerto Galera at maging mga katulad na negosyante ng naturang pulo ang diving at spear fishing activity sa Pulong Bato upang makapang-akit ng mga foreign at local tourist kapalit ng malaking halaga.
Libu-libong dayuhang turista ang nakakahuli ng malalaki at primera klaseng isda na siya namang dahilan ng matagal nang reklamo ng mga residente ng naturang isla na binubuo ng anim na barangay – San Agustin Silangan, San Agustin kanluran, San Antonio, San Andres, Liponpon, San Antonio at San Agapito.
Napag-alaman pa na naghahatag ng tig Php 350 sa di pinangalanang barangay official at Php 250 para naman sa ilang coastguard official upang payagan na makapag diving at manghuli ng isda sa pamamagitan ng spear gun o pana ang mga dumadayong divers. Walang iniisyung resibo ang kolektor ng “diving fee”.
Ang Pulong Bato Coral Reef ay unang idineklara na isang fish sanctuary noong 2004 sa bisa ng City Ordinance 00-4 S. 2007. Inamyendahan ito batay sa Expansion of Pulong Bato Sanctuary noong June 29, 2020.
Sinamantala naman ang paghihigpit ng Pamahalaang Nasyonal at Lokal na Pamahalaan na ipagbawal ang pangingisda at anumang aktibidad na gagambala at makasisira sa pinaglulungaan ng mga isda at iba pang yamang dagat ng ilang mga tiwaling indibidwal karamihan nito ay mga beach resort operator at korap na taong gobyerno upang kumita ng limpak na limpak na suhol.
Sa kanilang panawagan na paimbestigahan ni Criminal Investigation and Detection Group Director MGen. Nicolas Torre III, ibinunyag ng MKKB na hindi lamang milyones kundi bilyones na ang nakurakot ng mga personalidad na nasa likod ng naturang anomalya.
Nauna na ring nanawagan ang MKKB na paimbestigahan ng heneral ang mga opisyales at kawani nitong hindi tumatalima sa kanilang polisiya ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na “No Take Policy” na ibig sabihin ay wala sa sinumang opisyales at tauhan ng mga ito na tatanggap ng suhol o pabor sa mga vices at paihi operators at iba pang elementong kriminal na palasak sa mga lalawigan ng Laguna, Cavite, Batangas at iba pang bahagi ng CALABARZON at maging sa Metro Manila. (CRIS A. IBON)