Advertisers

Advertisers

PALASYO BUKAS SA PAG-AMYENDA SA SIM CARD REGISTRATION LAW

0 10

Advertisers

MAHALAGANG mapag-aralang mabuti at maamyendahan ang batas hinggil sa SIM Card Registration.

Ito ang binigyang diin ni Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Aniya, marami kasing obserbasyon na hindi epektibo ang batas hinggil sa SIM Card.



Giit niya, hindi nakikitang epektibo ang pagpaparehistro ng SIM Card online dahil kahit sino ay pwedeng bumili at kahit ilang SIM Cards ay pwedeng bilhin.

Kaya tuloy, madaling makapanloko at mahirap habulin ang mga scammer.

Dahil dito, mas maganda aniya sana kung personal na magpaparehistro sa tanggapan ng gobyerno ang may-ari ng SIM Card, tulad ng ginagawa sa pagkuha ng lisensiya sa pagmamaneho o pagpapa-rehistro ng sasakyan, upang pisikal na makita o makilala ang taong nag-aaplay.

Sa ganitong paraan, ayon kay Castro, malalaman kung sino talaga ang may-ari ng SIM Card, alam kung sino ang hahabulin at papapanagutin sakaling may ginawa itong panloloko gamit ang cellphone.

Nilinaw niya na bukas ang Palasyo na maamyendahan ang batas kung kinakailangan.



Samantala, sa kaso naman ng kautusan laban sa POGO, matapos sabihin ni Senador Risa Hontiveros na mayroon itong loopholes, sinabi ni Castro na hindi pa naman ito napapag-usapan sa Malacañang sa ngayon.

Kaya ang importante aniya sa ngayon ay paigtingin pa ang mga hakbang laban dito at ang law enforcement.

Pagbibigay-diin niya, malinaw naman ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na dapat nananatili pa rito sa Pilipinas ang mga dating nasa POGO, lalo na kung mga dayuhan ang mga ito. (Gilbert Perdez)