Advertisers

Advertisers

Nasilip ng Commission on Audit…PONDO SA HEALTH NG MARIKINA NILUSTAY SA VIETNAM TRIP, IBA PANG GASTUSING WALANG KINALAMAN SA KALUSUGAN

0 78

Advertisers

KINUWESTIYON ng Commission on Audit (COA) ang paggamit ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina, sa pangunguna ni Mayor Marcy Teodoro, ng milyon-milyong pisong pondo na inilaan para sa mga programa at serbisyo sa kalusugan upang pondohan ang biyahe sa Vietnam, pagsasaayos ng imprastraktura, pagbili ng kagamitang elektrikal, at iba pang gastusin — isang paglabag sa Universal Health Care Act at iba pang batas.

Ayon sa pinakabagong ulat ng COA, natuklasan na nabigong buuin ng administrasyon ni Mayor Teodoro ang Special Health Fund (SHF) na itinatakda ng Republic Act 11223, ang Universal Health Care (UHC) Law.

Dahil hindi pa naitatatag ang SHF, ginamit ng lungsod ang Trust Fund-HCI (TF-HCI) bilang pansamantalang lalagyan ng lahat ng pondo, bayad, at reimbursement mula sa PhilHealth. Ayon sa City Treasurer, inilaan ang TF-HCI para sa mga gastusing may kaugnayan sa kalusugan, subalit sa pagsusuri ng COA, aabot sa P45,621,586 ang nailipat sa hindi awtorisadong paggastos.



Isa sa mga pinakatampok na natuklasan ng COA ay ang cash advance na P2.3 milyon para sa gastusin ng mga opisyal ng lungsod patungong Ho Chi Minh City, Vietnam. Nakasaad ito sa disbursement voucher 300-2309000105 na may petsang Setyembre 6, 2023.

Kasama sa mga dokumentong isinama sa liquidation ng gastos ang awtorisadong travel order ni Mayor Teodoro, mga liham mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), at resibo ng gastusin. Ngunit ayon sa COA, walang ebidensyang magpapatunay na may kinalaman ang biyahe sa alinmang health program ng lungsod.

Bukod pa rito, nadiskubre rin ng COA ang paggamit ng health fund para sa pagbili ng pagkain, inumin at iba pang mga gastusin na anila’y wala ring kaugnayan sa tunay na layunin ng pondo.

Bukod sa mga nabanggit, kinuwestiyon din ng COA ang hindi maayos na accounting ng PhilHealth reimbursements ng lungsod mula Setyembre 8, 2023 hanggang Abril 30, 2024. Napansin din ang hindi tamang realignment ng P130 milyon noong Setyembre 6, 2023, at P94.75 milyon noong Enero 31, 2024.

Ayon sa COA, ang mga pondong ito ay dapat inilagay sa SHF at ginamit eksklusibo para sa health services, alinsunod sa UHC Law. Gayunpaman, sa halip na sundin ito, ginamit ng city government ang TF-HCI para pondohan ang mga hindi pangkalusugang gastusin tulad ng P8 milyon para sa IT equipment, P25 milyon para sa pagsasaayos ng imprastraktura, P6 milyon sa mga hindi tinukoy na donasyon, at P91 milyon para sa “iba pang supplies at materyales”.



Depensa ng lokal na pamahalaan, ang nailipat na pondo ay bahagi ng “savings”. Ngunit itinuwid ito ng COA at sinabing ang “savings” ay nalilikha lamang kung ang orihinal na layunin ng pondo ay natugunan na. Idiniin din ng COA na ang health-related services ay patuloy na programa na nangangailangan ng tuluy-tuloy na pondo.

Bukod pa rito, kinuwestiyon ng COA ang hindi awtorisadong paglipat ng pondo mula trust fund patungo sa general fund upang ipambili ng gamot para sa City Health Office—isang paglabag sa Presidential Decree 1445.

Iminungkahi ng COA sa lungsod ng Marikina na agad nitong buuin ang isang lehitimong Special Health Fund at tiyakin na ang lahat ng reimbursement mula sa PhilHealth ay mapupunta sa tamang pondo at gagamitin lamang para sa mga programang pangkalusugan, alinsunod sa UHC Law.