Advertisers

Advertisers

Nasagip na Chinese stude, pinutulan ng daliri ng kidnappers; driver, pinatay

0 15

Advertisers

Ipinahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na isang sindikato ang nasa likod ng pagdukot sa 14-anyos na Chinese student na nasagip noong Martes. Ang biktima, pinutulan ng dulong bahagi ng daliri ng mga kidnapper, at pinatay ang sundo niyang driver.

Sinabi ni Remulla na mga dating sangkot sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) ang nasa likod ng pagdukot sa binatilyo.

Kabilang din sa person of interest ang Chinese na nahuli-cam noong nakaraang taon na may binaril na kapwa-Chinese sa loob ng isang restaurant.



Ayon kay Remulla, Pebrero 20 nang unang i-report ng mga magulang ng binatilyo na mga Chinese rin ang pagkawala ng kanilang anak matapos na hindi makauwi ng bahay sa tamang oras mula sa pinapasukan nitong international school sa Taguig City.

Ang sasakyan na sundo ng binatilyo na SUV, nakita sa C5 Southbound. Noong Biyernes, nakita ang bangkay ng driver ng biktima sa isang sasakyan.

May nakuha umanong mga impormasyon ang mga awtoridad sa sasakyan na nakatulong sa pagtugis sa mga kidnapper na humingi ng ransom sa pamilya ng biktima.

Umabot umano sa $20 milyon ang unang hiningi ng mga suspek bilang ransom, hanggang sa bumaba sa $1 milyon.
Ayon kay Remulla, hindi nagbigay ng ransom ang pamilya ng binatilyo.

Noong Lunes, nakakuha ng impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng kinaroroonan ng mga kidnaper sa cellphone number na patuloy nilang tinutukan.



Nitong Martes ng hapon habang nagsasagawa pa rin ng hot pursuit operation, nakita nila ang binatilyo na naglalakad sa kalye na may benda sa kamay at iniwan na ng mga kidnaper.
Pinili umano ng mga operatiba na tiyakin na muna ang kaligtasan ng binatilyo at hindi na itinuloy ang pagtugis sa mga kidnaper.

Matapos na ipakita ang binatilyo sa kaniyang magulang, dinala na ang biktima sa ospital para ipasuri.

“Yung bata pinutulan ng daliri [dulong bahagi] sa kanan [kamay]. Yung bata ay matapang hindi siya umiiyak. Masaya na nakita ang kaniyang magulang,” ayon kay Remulla.

Sinabi ni Police Colonel Randulf Tuaño, PNP public information acting chief, na tinitingnan ang posibilidad na may kaugnayan ang kidnapping sa pagiging dating konektado ng ama ng binatilyo sa POGO, at sa negosyo nito na online-selling business.

“Ang isa sa miyembro ng pamilya po ay dati pong involved sa business ng POGO na kung saan pinag-uusapan po nila yung pagbabayad ng mga utang. ‘Yun din ang sinusundan ng AKG (Anti-Kidnapping Group),” pahayag ni Tuaño.

“Ito po ay isang big time e-seller ng lahat po ng merchandise na pwede ibenta online,” dagdag niya.

Ayon kay Remulla, ginagamit ng sindikato na mga dating POGO operators ang mga dati nilang bodyguards na pulis at militar na mga AWOL na ngayon.

”We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO din. We are definite na ang perpetrators ay ginamit ang kanilang former bodyguards na AWOL (absent without leave) na ngayon sa serbisyo ng AFP at PNP,” dagdag ng kalihim.
Nakatitiyak umano si Remulla na nasa bansa pa ang mga suspek.

”We will make sure that they will be neutralized at the soonest possible time,”  pagtiyak niya.

I am text block. Click edit button to change this text. Lorem ipsum dolor sit amet, consectetur adipiscing elit. Ut elit tellus, luctus nec ullamcorper mattis, pulvinar dapibus leo.