Advertisers
LUMALABAS na walang silbi ang batas laban sa illegal gambling dahil mula nang amyendahan ang Presidential Decree (PD) 1602 noong 2004 ay wala pang naipakulong na mga gambling operator/lord sa bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety, hindi naitago ni Santa Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez ang kanyang pagkadismaya na sa kabila ng mataas na penalty sa gambling operators at mga protector nito, ay wala pang nakukulong kahit lantad na lantad ang iligal na sugal partikular ang probinsiyang kinakatawan ni Fernandez tulad ng Laguna kung saan gabi-gabi nagpupuyat ang mga kabataan, padre de pamilya, adik at sugarol sa inu-umagang sugal na “color games at drop ball baraha” na ginagamit bilang front ay Perya na matatagpuan malapit sa Biñan Elementary School ng Barangay Sto Dominggo, Barangay Lankiwa, Barangay Timbao at Poblacion ng Biñan, Laguna na pag-aari ng kilalang gambling queen na alyas Judith.
Bukod dyan lantaran at inaabot din ng madaling araw ang mga kabataan na edad 14 anyos pataas na tumataya ng libu-libo gabi-gabi sa iligal na sugal na “color games at drop ball baraha” sa bakuran ng Star Mall, Victory Central Mall, Barangay Pulo at Tram Plaza Balibago Santa Rosa City, Laguna.
“Mabigat ang batas na ito, ‘yung Republic Act (RA) 9287, ang tanong sa PNP (Philippine National Police) at NBI (National Bureau of Immigration), meron na ba tayong naparusahan sa batas na ito na itinaas na natin ang penalty ng mga perpetrators ng illegal gambling meron na ba tayong naipakulong?” tanong ni Rep. Fernandez.
Ipinaliwanag din ng Kongresista na base sa nasabing batas na pinirmahan ng dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noong Abril 2, ang mga mananaya ay maaaring makulong ng hanggang tatlong buwan habang 10 taong pagkabilanggo naman sa mga protektor.
Walong (8) taong pagkabilanggo naman sa mga tauhan ng gambling operator/lord at kukumpiskahin ang bahay, gusali, sasakyan na ginagamit sa operasyon ng ilegal na sugal.
Makukulong din ng hanggang 12 taon ang maintainer, manager at operator ng ilegal na sugal; hanggang 14 taon naman sa mga financier o kapitalista at 20 taon sa kanilang mga protektor sa gobyerno.
Kapag public official’s aniya, elected man o appointed, ay tatanggalin sa puwesto at hindi na papayagang pumasok sa public service.
Ilang dekada na ang nasabing batas ngunit wala pang gambling operators/lord na naipakukulong sa kabila ng pag-amyenda sa PD 1602 na nagtaas ng parusa sa mga sangkot sa ilegal na sugal.
Sa tindi ng parusang ito ay tila walang takot sa batas na ito (PD 1602) sina Santa Rosa Mayor Arlene Arcillas, Biñan Mayor Arman Dimaguisa, Santa Rosa City chief of police PLtCol Benson Pimentel, Biñan chief of police PLtCol Allan Reginald Basiya, Laguna PNP provincial director PCol Ricardo Dalmacia at Police Regional Office CALABARZON regional director Police Brig. General Paul Kenneth Lucas.
Matatandaang sa manifestation ni House Deputy Majority Leader at Senatorial aspirant Erwin Tulfo, nais nito na hindi lamang ang mga ilegal na sugal sa CALABARZON ang dapat imbestigahan kundi sa buong bansa at ipinatawag diumano nito ang lahat ng regional director ng PNP para sa nasabing imbestigasyon.
Lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa pagsusugal o pagtaya gamit ang pera ay mahigpit na ipinagbabawal alinsunod sa PD 1602 na inamyendahan ng RA 9287.
Hindi rin natin maintindihan na sa kabila ng kaliwat kanan na reklamo at sa ginawa nating pagbubunyag ay kung bakit napaka tahimik nina Gen. Lucas at Col Dalmacia sa isyu ng iligal na sugal na walang pinagkaiba sa droga dahil pareho itong nakakaadik.
Ayon pa sa sumbong mismong mga politiko at ang mga tagapagpatupad ng batas ang bumabalewala at bumababoy sa batas na ito (PD 1602). Sinabi nila, na tila nabili na ng bigtime at kilalang gambling queen ng Laguna si alyas Judith ang tsapa ng ilang matataas na opisyal ng kapulisan sa Laguna dahil sa pamamayagpag umano ng illegal gambling na animoy kabuteng naglipana ngayon sa lalawigan ni Governor Ramil Hernandez.
Sa kabila ng mga ginagawang pagdinig ng House Committee on Public Order and Safety laban sa iligal na sugal, ay nananatili parin ang presensiya ng lantarang sugal sa hurisdiksyon ng mga nabanggit na opisyal ng gobyerno.
Batay sa sumbong na ipinarating sa pitak na ito ng ilang concerned citizen, tila nagiging kontrabida pa sa PD 1602 at RA 9287 ang mga nabanggit na opisyal dahil sa pangungunsinti ng mga ito sa talamak na iligal na sugal na naging dahilan ng paglobo ng crime rates.
Naniniwala din ang ilang sektor na bumabatikos dito na hindi matutuldukan ng PNP ang talamak at lantad na mga PERGALAN (perya-sugalan) dahil ipinagmamalaki umano ng mga kilalang bigtime na gambling operator na alyas Judith, Elmer at Baby P. na kasangga nila lahat ang mga opisyal sa Camp Vicente Lim at Camp Crame.
Samantala ayon sa isang “texter” na nagpaabot ng kanyang reklamo, kung iligal na sugal umano ang pag-uusapan ay hindi nagpapahuli ang Lipa City, Batangas dahil bukod sa talamak droga sa siyudad ay inaabot rin umano ng pamorningan ang hayagang sugal na “color games, beto-bito, baklay, at drop ball baraha” na matatagpuan sa mismong pinagdarausan ng BARAKO FESTIVAL na dinudumog gabi-gabi ng mga sugarol at adik.
Ang tanong, ay kung paano ito nakakalusot kay Lipa City, Chief of Police PLtCol Rix Villareal samantalang daan-daang pulis ang naatasan na magbantay sa naturang aktibidad na ginaganap taon-taon sa naturang lungsod.
Oh baka naman malaki ang “patong” ni alyas Jayson kay hepe kaya nagiging bulag na ang mga pulis nito sa mini casino na sugalan na hindi bababa sa 10 lamesa ng “color games, baklay, beto-bito at drop ball baraha”?
Calling attention PNP Chief, Police Director General Rommel Francisco Marbil at DILG Secretary Jonvic Remulla, mga Sir, your attention is badly needed.
May kasunod pa!
***
Kung may tanong, suhestiyon o komento ’wag mag-atubiling tumawag o mag-text sa numerong 0939-7177977 at 0936-8625001 o di kaya mag-email banderapilipino@yahoo.com/balyador69@gmail.com