Advertisers
ILANG ulit ko nang tinalakay sa pitak na ito na walang matatag at matapat na samahan at pagkakaibigan sa politika.
Batay sa karanasan, talagang walang matatag na tunay at totohanang bigkis ng paninindigan at pakikipaglaban tuwing may halalan at matapos na maideklara ang mga nanalo sa halalan.
Kaya nga nauso ang bukambibig na “balimbing” at “hunyango” at trapong politiko dahil sa ugali ng pagtalikod at pagluluwa ng salitang pangako ng mga politiko.
Kitang-kita ito sa ugali ng mga botante at partido politika sa pagpili ng mga ibinobotong mga kandidato partikular ang Pangulo at Pangalawang Pangulo.
Katulad noong election 2010: Magkatiket sina President Benigno Aquino III at dating DILG Sec. Mar Roxas, pero kung totoo ang paniniwala ng marami, maraming tagasuporta ng Liberal Party at mismong mga alagad ni Aquino ay iniwan sa kangkungan si Roxas at sinuportahan ang dating kandidato noong Vice President na si Jejomar Binay – katiket niya noon ay si dating Presidente at Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.
May mga nagsasabi na kungdi sa solidong suporta at boto ng mga kasapi ng Iglesia Ni Cristo, baka nanalo si Estrada at hindi si Aquino.
Iilang milyong boto lamang ang ipinanalo ni Noynoy laban kay Erap, kung matatandaan.
Noong 1992 presidential elections, nanalo sina Pres. Fidel Ramos at VP Estrada, kapwa magkaiba ng partido, at noong 1998, galing din sa magkalabang partido sina Pres. Estrada at VP Gloria Macapagal Arroyo.
Si brodkaster Sen. Noli de Castro naman ang nanalong VP katiket si Arroyo noong 2004.
Mahalaga ang papel ng pangalawang pangulo sa ating eleksiyon dahil anoman ang mangyari sa presidente, siya ang mauupo sa Malakanyang.
Alam na natin ang nangyari noong EDSA 2 – naupo si VP Arroyo at napalitan si Pres. Estrada.
Kaduda-duda ang pagkatanggal kay Erap nang paupuin si Gloria sa dahilang “constructive resignation” daw ni Estrada na iginiit na hindi siya nagbitiw sa pagka-pangulo.
Noon ring 2016 ay may kakatwang sitwasyon na isinulong ang ilang grupo para sa Team Jo-Len, para ipanalo sina VP Jojo Binay at Cong. Leni Robredo.
Si Leni ay katiket ni LP candidate Mar Roxas, na kung matandain ang taumbayan ay katiket ni Pres. Aquino pero ang nanalong VP ay si Binay.
Kuno, maraming Aquino supporters ang “nagtraydor” kay Mar kaya tinalo siya ni Binay na nagtaguyod ng “Noy-Bi” o “Bi-Noy” tandem noong 2010 elections.
Dahil daw sa nanggagaling sa magkaibang partido ang sana ay magkatuwang na pangulo at pangalawang pangulo, may nagmumungkahi na gayahin natin ang estilong Amerikano sa pagboto ng presidente at Bise-presidente.
Sa US, awtomatiko na pag ibinoto ang pangulo, kasama na ring ibinoto ang katiket na pangalawang pangulo.
At sa US, awtomatiko, ang VP ang nauupong Senate president, kaya matatag ang liderato ng Senado na walang ugaan at pagpapalit-palit ng pangulo nito.
Sa US, magkatugon, magkasama at nagkakaisa ang presidente at ang VP sa pagtataguyod ng kanilang plataporma de gobyerno.
Hindi tulad sa atin, kung magkaibang partido galing ang pangulo at pangalawang pangulo, madalas kaysa hindi, magkakontra sila at ang apektado ay kapakanan at interes ng sambayanang Pilipino.
Sa nakaraang 2022 elections ay ganito pa rin ang nangyari kontra-kontrang interes sa politika, nanalo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Sara Duterte bilang Pangalawang Pangulo.
Dahil sa pagtalikod, mga vested interests at hindi pagtupad sa mga salitang pangako ngayon ang dating magka-tandem na si PBBM at VP Sara Duterte ay magkaaway na.
***
Maraming isla at bahura sa katubigan ng West Philippine Sea (WPS) ay okupado na ng China, Vietnam at Taiwan noong pang 1978.
Matagal na ring may mga nakatayo na military at naval facilities sa mga katubigang iyon ang tatlong bansa, pero tayo wala kahit kapirasong “bato” sa inaangkin nating atin, ayon sa desisyon ng The Hague, Netherlands.
Dahil okupado na nila ang mga isla roon, hindi sila papayag na makuha natin iyon, at kung ipipilit natin na kuhain at okupahin, ang resulta ay giyera.
E ang tanong, kaya ba nating giyerahin ang China, Taiwan at Vietnam?
Kaya ba nating i-defend sa giyera ang mga islang atin?
So, giyera lamang ang paraan para pisikal na mabawi natin ang mga isla sa WPS – na armado na ng warships, fighter jets, nuclear submarine ng China at ng Taiwan at ng Vietnam.
Sey nyo mga masugid nating tagasubaybay?
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.