Advertisers
Ni Archie Liao
BILANG first time mom kay Deia Amihan, maraming napagtanto ang “Caretakers” star na si Iza Calzado.
“First of all, nabago iyong priorities ko. Of course, I still love to work because acting is my passion pero sa ngayon, kung may projects man ako, iniisip ko muna iyong baby ko,” paliwanag ni Iza.
Ito rin daw ang rason kaya hindi muna siya gumagawa ng mga teleserye.
Gayunpaman, may mga iskrip daw siyang pinag-aaralan pero naniniwala siyang kung nakatakda sa kanya ang isang proyekto ay mangyayari ito in God’s time.
“I always say, “Thy will be done.” Tulad na lamang ng “Caretakers”, I believe na ni-lead niya ako sa project na ito,” bulalas niya.
Hirit pa niya, marami rin daw na binago sa kanyang mga ugali ang pagiging ina.
“Kung noon siyempre, ang iniisip ko lang ay sarili ko, iba na ngayon,” aniya. “Sa mga nabago, napakarami kung iisa-isahin ko, baka hindi tayo matapos,” dugtong niyang may halong pagbibiro.
“Ilan siguro sa mga binago sa akin ng motherhood is iyong pagiging mindful ko. Iyong pagiging humble ko,” pagbabahagi niya.
Flattered naman si Iza dahil sa sinabi ng co-star niyang si Dimples Romana that she has gained another friend sa katauhan niya.
“For the seven days na nagsama kami sa shoot, iba rin kasi iyong naging bonding namin. We have a lot of things in common lalo na tungkol sa experiences namin about motherhood and parenting,” bulalas niya. “Ako naman, I just get what I give. Sa mga katrabaho ko, kaibigan talaga ang turing ko sa kanila. Kumbaga, I just give the respect due them and that’s where I reap what I sow,” pahabol niya.
Dagdag pa niya, marami rin daw naibahagi si Dimples sa kanya tungkol sa insights nito sa pagiging nanay.
“Siguro, ilan sa mga natutunan ko sa kanya… is pag nanay ka, kailangan mong mag-adjust sa mga anak mo kasi, iba-iba naman ang kanilang mga ugali at needs,” sey niya. “Motherhood is also a selfless calling at kapag naging nanay, you’re a nanay for life,” dugtong niya.
Sa “Caretakers” na palabas na sa Pebrero 26, ginagampanan ni Iza ang papel ni Audrey na naghahabol sa isang ancestral house na tinitirhan ng katiwalang si Lydia (Dimples) at ng kanyang mga anak.
Bukod sa pagiging horror film, may makabuluhang mensahe rin ang pelikula tungkol sa pangangalaga ng kalikasan.
Mula sa produksyon ng Regal Entertainment at Rein Entertainment at sa direksyon ni Shugo Praico, kasama rin sa cast ng eco horror movie na ito sina Marco Masa, Erin Espiritu at Inka Magnaye.