Advertisers
Kulong ang isang lalaking nagpapanggap bilang National Bureau of Investigation (NBI) agent nang gamitin ang hiningi umanong pera sa isang dayuhan na nais mapalaya ang mga inarestong kaibigan para bilhin ang kaniyang bagong Ford Ranger Raptor.
Kinilala ang suspek na si Crisanto Valdez, na nahuli sa Tondo, Maynila noong Pebrero 23, isang araw nang bilhin ang sasakyan.
Nakuha rin mula sa kanya ang P1 milyon na bahagi ng P10 milyong ibinayad sa kanya kapalit ng pagpapalaya sa 20 Chinese na inaresto ng mga NBI agents sa bar sa Parañaque City noong nakaraang linggo.
Ayon sa ulat ng Southern Police District, nakipag-ugnayan ang negosyanteng Chinese sa isang kawani ng Bureau of Immigration (BI) at isang BI intelligence agent, na kalaunan ay kumontak kay Valdez upang ayusin umano ang pagpapalaya.
Inimbitahan naman umano ang dalawang BI personnel upang tumulong sa pag-aresto kay Valdez matapos magreklamo ng negosyante.
Sa imbestigasyon, inamin ng suspek na ginamit niya ang perang nakulimbat upang bilhin ang sasakyan.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong Swindling (Estafa) at Usurpation of Authority.