Advertisers
BINIGYANG-DIIN ng Malakanyang na bahala nang magpasya ang Senado ukol sa posibilidad na magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para maisalang na sa impeachment trial si Vice Pres. Sara Duterte.
Ginawa ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro ang pahayag kasunod ng pagmamatigas ng Mataas na Kapulungan na talakayin ang usapin dahil nakabakasyon ang Kongreso.
Sa press briefing sa Palasyo, iginiit ni Castro na malalagay din sa ‘awkward’ na posisyon si PBBM kung mismong siya ang magpapatawag ng special session bunsod ng umuugong na intrigang siya ang nasa likod ng nasabing proseso.
Ipinunto ni Castro na kahit nakalagay sa probisyon ng Konstitusyon ang katagang ‘forthwith’ o agad na pagtalakay ng Senado sa impeachment ay hindi naman tinukoy dito kung maaaring gawin ang proseso sa panahon ng recess o bakasyon ng upper at lower houses.
Aniya, legal sa ilalim ng Saligang Batas ang pagpapatawag ng Presidente ng isang special session para talakayin ang impeachment, at hindi lang limitado sa mga panukalang batas na pinamamadaling maipasa.
Subalit nilinaw ng opisyal na wala pang natatanggap na formal request ang Palasyo mula sa Senado hinggil sa nabanggit na upisan. (Gilbert Perdez)