CWS Partylist ipinapa-disqualify sa Comelec ng isang gubernatorial candidate dahil sa vote-buying sa Lipa, Batangas
Advertisers
Naghain ngayon ng pormal na reklamo sa Commission on Elections (Comelec) si Batangas Gubernatorial Candidate Jay Manalo Ilagan, na siya ring kasalukuyang Vice Mayor ng bayan ng Mataas na Kahoy, laban sa CWS Partylist at sa kinatawan nito na si Congressman Edwin L. Gardiola.
Ayon kay Ilagan kasong vote buying ang naganap na “Barakofest 2025” sa Lipa City, Batangas noong Pebrero 13-15, 2025.
Base sa 31 pahinang reklamo ni Ilagan, nagsagawa ang CWS Partylist ng “Last to Take Hands Off Challenge” kung saan nagkaloob ng premyo ng tatlong brand-new na Toyota Vios bilang pa-premyo.
Ayon kay Ilagan, ang nasabing aktibidad ay saklaw ng 90-day campaign period bago ang 2025 election, na labag sa Omnibus Election Code. Ipinagbabawal nito ang pamimigay ng mga bagay na may halaga upang impluwensiyahan ang mga botante.
Nakasaad sa reklamo, malinaw na nilabag ng CWS Partylist ang Section 261(a) ng Omnibus Election Code, na nagbabawal sa sinumang kandidato o partido na mamigay ng pera o anumang bagay na may halaga upang hikayatin ang isang botante na bumoto para sa kanila.
Bukod dito, isinumiti rin sa Comelec bilang ebidensiya ang umano’y pahayag ni Batangas gubernatorial candidate Vilma Santos-Recto, kung saan sinabi umano nito:”Ngayon, tatlong kotse ang ibinigay po ni Congressman… CWS 135.”
Ayon sa reklamo, ang naturang pahayag ay nagpapakita ng tahasang paglabag sa batas laban sa vote buying.
Hiniling ni Ilagan sa Comelec ang agarang imbestigasyon sa vote buying at pananagutin ang CWS Partylist sa paglabag sa Omnibus Election Code sa pamamagitan ng diskwalipikasyon kung mapatunayang nagkasala.
Nagsumite rin si Ilagan ng mga dokumento at video bilang ebidensiya sa nasabing reklamo.
“Naniniwala po ako na malakas ang aming kaso dahil ito ay kumpleto’s rekados” sabi ni Ilagan.