Advertisers

Advertisers

PAIHI, VICES SA LAGUNA AT CAVITE , NAMUMUTIKTIK!

0 1,044

Advertisers

HINDI tumatalab ang NO TAKE POLICY na ipinaiiral sa hanay ng pulisya ni Criminal Investigation & Detection Group Director MGen. Nicolas Torre III bagamat paulit-ulit na ipinaalala nito sa kanyang mga opisyales na kung hindi sila tatalima ay maaaring mapatawan ng suspensyon o kaya matanggal sa serbisyo ang sinumang susuway sa naturang polisiya.

Sa kabila ng paulit-ulit na tagubilin nina PDGen. Marbil at MGen. Torre III ay marami pa ring matitigas ang ulo na opisyales at kawani ng kapulisan.

Halimbawa ng nakararaming matitigas ang ulo na mga pulis ay nasa CALABARZON at Metro Manila area, na kaya hindi nahihinto ang lantarang operasyon ng bookies o jueteng, lotteng sakla, pergalan (peryahan na pulos sugalan) at iba pang uri ng sugal, ganun din ang oil and petroleum theft at smuggling. Dahil sa protection ng ilang CIDG official (regional, provincial) at mga pulis na nakatalaga sa rehiyon, probinsya, lungsod at munisipalidad hindi natitinag ang operasyon ng mga naturang iligalista.



Pinaiimbistigahan ng grupo ng Mamamayan Kontra Krimen at Bisyo (MKKB) kay MGen. Torre III ang nakadududang hindi pagkilos ng ilang CIDG official na kanyang itinalaga sa kani- kanilang area of responsibility.

Ang “nakabibinging pananahimik” at di pagkilos ng nakararaming CIDG official sa Region 4A at Metro Manila isama na ang mga PNP regional at provincial commander ay siyang malaking balakid upang matagumpay na maipatupad ang polisiya na dapat ay magpapaningning sa imahe ng PNP, ayon sa MKKB.

Unang binigyan ng pansin ng MKKB ang mga paihi/buriki operation ng magkakasosyong Amang, Goto, Cholo ng Violago Group at magkapatid na Ador sa may Yakult Philippines, Brgy. Makiling, Calamba City.

Mahigit sa isang taon nang walang takot sa pagnanakaw ang 10 tauhan nina Amang, Goto at Ador Brothers sa naturang kuta. Kasabay din nitong nag-ooperate ang paihian/burikian at pasingawan ng magkapatid na Ador sa Brgy. Paciano Rizal sa naturan ding lungsod at sa Silangan Exit sa Cabuyao City, sa probinsya ng Laguna.

Pawang armado ng malalakas na kalibre ng baril ang mga tauhan ng nabanggit na burikian, kayat nakapagdududa kung paanong nakakaligtas ang mga ito sa pang-amoy nina Laguna OIC Provincial Director Col. Ricardo Dalmacia, ng kanyang mga Police Chief at higit sa lahat ay ang pinagkakatiwalaan ni Gen. Torre III na si CIDG Regional 4A Field Unit Chief Col. Emerick Sibalo.



Imposible yata na sa loob ng halos mahigit sa isang taon ay pawang nakatunganga lamang sina Col. Dalmacia, Col. Sibalo, ang mga opisyales ng mga ito at ang mga hinalinhan nila sa pwestong mga provincial director?

Dekada-dekada na ang itinagal ng operasyon ng paihian/burikian ng mga petroleum product at pasingawan ng Liquified Petroleum Gas (LPG) nina Amang, Cholo at Goto sa Brgy. Bancal, Carmona City ngunit nagmimistulang inutil at walang aksyon laban dito si Cavite OIC Provincial Director Col. Dwight Alegre at ang kanyang hepe ng kapulisan sa naturang lungsod.

Ang nakadidismaya ay maging si Col. Sibalo ay hindi din gumagalaw laban sa naturang sindikato na di lang salot kundi mananabotahe din sa ekonomiya ng bansa.

Talamak din ang operasyon ng mga pasugalan ng illegal card at table games ng mga nagpapakilalang supporter ni Senatorial re-electionist candidate Ronald “Bato” Dela Rosa. Ang sangkaterbang sugalan na may shabuhan ay nasa tabi ng Ariza Plaza na isang Mall sa Pagsanjan, Laguna na inooperate ng mag-asawang beteranong gambling at drug operator na sina alyas Boy No Life at Eve.

Boladas ng mag-jowa sa mga katulad nilang mga ilegalista, ay kapag muling nahalal ang Die Hard Duterte at China Supporter na senador ay di na matitinag ng PNP, NBI at CIDG ang kanilang gambling at drug den kaya nabubudol ng mga ito ang mga kapwa nila gambling maintainer na sumapi sa kanilang bogus na asosasyon na nagpapatakbo ng tradisyunal na perya o karnabal na front ng mga pasugal at bentahan ng shabu.

May mga pasugalan at drug den din sina Judith sa Brgy. Lankiwa, Brgy. Sto. Domingo katabi ng public market kapwa sa Binan City; Star Mall ng Sta. Rosa City; Brgy.Tuntungin ng magkasosyong Rommel at Mely sa Los Baños; Elmer sa Brgy. Pulong Sta. Cruz, Sta. Rosa City at maraming iba pa sa lalawigan ni Laguna Gov. Ramil Hernandez.

May mga bookies naman ng Small Town Lottery (STL) sina Rene sa 16 na barangay ng bayan ng Lumban; Ex- Sgt. Dimatulac, Amante R., Pinky ng San Timmy ng San Pablo City; Tita ng Cabuyao at Calamba City; Manguiat at Tose ng San Pedro City at Biñan City; Osel ng Calauan at may 20 iba pa. May karugtong…

***

Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144