Advertisers

Advertisers

MAY MISYON ANG PNP AT AFP SA HALALAN

0 8

Advertisers

SA Mayo 12, 2025, isang mahalagang tungkulin ang ipinagkatiwala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Armed Forces of the Philippines (AFP)—ang tiyakin na ang halalan ay mapayapa, maayos, at kapani-paniwala o credible.

Sa kanyang talumpati sa panunumpa ng mga bagong heneral at opisyal ng AFP, muling iginiit ni PBBM ang kahalagahan ng halalan hindi lamang bilang isang proseso ng pagpili ng mga pinuno kundi bilang salamin ng demokrasya.

Ang pagiging malaya at tapat ng halalan ay isang pundasyon ng isang maunlad at matatag na bansa.



Dahil dito, isang mahalagang hamon ang kinakaharap ng ating mga sundalo—pangalagaan ang tiwala ng taumbayan.

Kaya sa gitna ng mga hamong panseguridad at banta sa integridad ng halalan, kailangang maging masigasig ang AFP, katuwang ang Philippine National Police (PNP), sa pagpapanatili ng kapayapaan, seguridad, at patas na proseso.

Hindi dapat payagan ang anumang uri ng karahasan, pananakot, o manipulasyon na maaaring makasira sa kredibilidad ng eleksiyon.

Ang pagpirma ng AFP sa Solidarity Pact para sa 2025 National and Local Elections ay isang patunay ng kanilang paninindigan sa pagtatanggol sa soberanya at integridad ng bansa.

Subalit ang hamon ay hindi nagtatapos sa mga kasunduan—nasa aktwal na pagpapatupad ng kanilang tungkulin ang tunay na pagsubok.



Bilang haligi ng seguridad ng bansa, ang AFP ay dapat maging huwarang halimbawa ng disiplina, pagmamahal sa bayan, at pagiging tapat sa tungkulin.

Sabi nga, hindi sapat ang pagsunod lamang sa utos.

Kinakailangang isapuso ang tunay na diwa ng paglilingkod sa bayan.

Masasabi nga na may pananagutan ang bawat sundalo at opisyal sa taumbayan na siguruhing ang kanilang boto ay hindi lamang mabilang kundi maprotektahan mula sa anumang uri ng pananamantala.

Hindi lamang tungkulin ng AFP ang hamon na ito kundi ng buong pamahalaan at sambayanan.

Tunay na ang pagtutulungan ng lahat ng sektor—mula sa COMELEC, PNP, at mga mamamayan—ay mahalaga upang mapanatili ang integridad ng ating demokrasya.

At gaya nga ng sinabi ni Pangulong Marcos, hindi natin maaaring biguin ang taumbayan.

Nasa mga kamay ng PNP, AFP, at ng buong sambayanan ang tagumpay ng ating demokrasya at electoral process.

***

Catch Gilbert Perdez’s “Barangay 882” radio show every Saturday from 4:00 PM to 5:00 PM. Tune in via ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 Facebook page, or DWIZ ON-DEMAND on YouTube. You can contact him via email at gil.playwright@gmail.com or through this number: 0991-3543676.