Yayo napatawad na pero ayaw makatrabaho si Baron; Vina ‘di binabawalan ang anak na dalawin sa kulungan ang amang si Cedrick
Advertisers
Ni ROMMEL PLACENTE
AYON kay Yayo Aguila, napatawad niya na si Baron Geisler matapos itong mag-sorry sa kanya nang personal.
Sa guesting ni Yayo Aguila sa celebrity talk show na Lutong Bahay ng GTV hosted by Mikee Quintos at Chef Hazel, natanong siya tungkol sa naging isyu sa kanila ni Baron ilang taon na ngayon ang nakararaan.
“Oo naman (napatawad na). Nagkita na kami, years ago sa isang event ng showbiz, wala akong choice, nagkasalubong kami. Tapos binati niya ako, nag-sorry naman siya, nag-sorry siya sa ‘kin,” pahayag ni Yayo.
Patuloy niya,“Malaking bagay ‘yung it takes guts para makapag-sorry ka. Feeling ko naman sincere siya.”
Matatandaang hinatulang guilty noong 2013, ng Makati Municipal Trial Court Branch 61 si Baron sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ng anak nina Yayo at William Martinez na si Patrizha Martinez.
Pinatawan ni Judge Aleli Briones ng parusang pagkakakulong ng minimum of six months at maximum of two years ang aktor. Bukod dito, pinagbayad din siya ng moral damages na P30,000.
Taong 2008 nang sampahan ng kaso ni Patrizha si Baron dahil sa panghihipo nito sa kanya habang nasa isang bar sila sa Makati City.
Kuwento pa ni Yayo, sinabi niya sa kanyang anak na humingi sa kanya ng sorry si Baron nang magkita sila.
“Ayoko siyang i-judge pero ‘yung nag-sorry siya sa ‘kin, sinabi ko ‘yun sa daughter ko.
“Actually, ‘yung anak ko, sabi niya, ‘Ma, napatawad ko naman siya eh, pero hindi ko makakalimutan ‘yung ginawa niya.’ Ganu’n din ‘yung stand ko.
“Napatawad naman na namin siya pero ayoko siya makatrabaho, ‘yung ganu’n,” ayon pa kay Yayo.
***
HINDI raw binabawalan ni Vina Morales ang anak na si Ceana na dalawin ang ama nitong si Cedrick Lee.
Matatandaang nakakulong na ito matapos mahatulan ng illegal detention, na kasong isinampa laban sa kanya ng TV host-actor na si Vhong Navarro.
Sey ni Vina sa interview ni Boy Abunda, binibisita raw ng anak ang ama nito at karapatan naman niya ito. Pinapahintulutan daw ito ng aktres para magkaroon naman daw ng magandang relasyon ang mag-ama. Kahit naman daw bago mangyari ang nangyari sa ama ay meron na silang magandang relasyon.
Narealized daw ito ni Vina during pandemic, na kailangan niyang ilet go ang kanyang emotions.
“I chose to forgive and to just forget kung ano man ang past na hindi magandang nangyari sa akin. That was a journey, I learned from it. He learned from it. We’re friends,” sey ng aktres.
Mas komportable na raw si Ceana ngayon at nagkakaroon siya ng confidence kasi alam daw nitong nandiyan ang tatay niya.
Nito lamang Enero ay bumalik si Vina sa dati nitong network, ang Kapuso. Halos dalawang dekada rin siya sa Kapamilya network. Kabilang siya sa seryeng Cruz vs Cruz.