Advertisers
Matapang, walang kinakatakutan, at palaban, iyan ang sinasabing ilan lamang sa katangian mayroon si PNP -Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief, Police Major General Nicolas Torre III.
Nagsimula ang lahat lalo na ang paghangan kay Gen. Torre nang masaksihan ng Pilipinas kung paano napasuko ng Heneral ang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quibuloy.
Hindi lang ang pagpapasuko ang hinangaan sa opisyal kung hindi maging ang ipinamalas na dedikasyon sa Saligang Batas at sa bayan. Partikular na pinuri kay Gen. Torre, bilang heneral at regional director ay ang panangunahan ang operasyon.
Hindi siya palautos at sa halip, nangunguna mismo ang opisyal sa operasyon na siyang nagpapataas naman ng moral ng kanyang mga tauhan. Hanggang magtagumpay ang operasyon laban kay Quibuloy, hindi iniwan ni Gen. Torre ang kanyang mga opisyal at tauhan sa ‘war zone’.
Pero kung susuriin, hindi tapang at hindi sa walang kinakatakutan si Gen. Torre ang ipinamalas sa Filipino kung hindi trabaho lang ang lahat sa kanya – tulad ng kanyang sinumpa na paglilingkuran ang bayan nang pasukin ang larangan ng paglilingkod sa bayan bilang isang pulis.
Katunayan, hindi lang ngayon nangyari ang lahat ng nasasaksihang dedikasyon sa trabaho ni Gen. Torre kung hindi noon pa man – iyan na siya. Hindi lang kasi alam ng nakararami kung paano magtrabaho ang opisyal.
Ngayon ang pinag-uusapan naman ay patungkol sa opisyal – ang kanyang katapangan (ulit) – ito ay nang kasuhan niya si dating Pangulong Digong Duterte sa pagbabanta sa buhay ng 15 incumbent Senador – ang pagpatay sa mga mambabatas.
Nakita ni Gen. Torre na delikado ang banta kaya kinasuhan niya ng inciting to sedition at unlawfull utterance ang dating Pangulo. Bagamat, sinabi naman ni Duterte na biro lang ang lahat.
Katuwiran ni Torre… “Alam niyo bagong Pilipinas na, eh. Hindi na pwede ‘yung mga gano’ng statements na kinabukasan joke only na lang.”. Hindi magandang magbitiw ng salita na kinalaunan ay sasabihing “biro” lamang.
Ang punto pa ni Torre, maaaring seryosohin ng mga taga suporta ng dating Pangulo ang kanyang sinabi tulad na rin ng kanyang deklarasyon sa war on drugs.
“Nangyari na ‘yan eh, diba? Sabi niya pagpapatayin ang mga— diba? Pagpapatayin ang mga adik. Nangyari nga. Marami ngang napatay,”ani Torre.
Ang pagsasampa ng kaso ni Torre laban sa dating Pangulo ay bilang CIDG director, Filipino citizen at bilang isang pulis. Kasabay din ng pagtanggi na mayroon siyang political motive – labas dito ang politika.
Nilinaw din ng opisyal na ang kanyang hakbangin ay personal at walang basbas ng Malakanyang. Aniya’y pa, bagama’t itinuring ng ilan na biro lang ang sinabi ni Digong, posible kasing makahikayat ito ng negatibong aksyon mula sa kaniyang mga taga-suporta.
Kung susuriin din ang hakbangin ni Torre, wala itong ipinagkaiba sa mga nagbabanta o nagbibirong mayroon silang dalang pampasabog “bomba”. Inaaresto at kinakasuhan ang mga ito.
Hindi katapangan, hindi sa palaban o ano pa man, ang ipinaiiral ni Torre sa kanyang naging hakbangin laban kay Digong o maging sa mga accomplishment nito kung hindi dedikasyon sa trabaho bilang isang alagad ng batas.