Advertisers

Advertisers

PCO ACTING SEC. CESAR CHAVEZ NAG-RESIGN

0 15

Advertisers

NAGHAIN na ng kanyang irrevocable resignation si Presidential Communications Office (PCO) Acting Secretary Cesar Chavez.

Sa kanyang pahayag, isiniwalat ni Chavez na noon pang Pebrero 5 niya isinumite ang kanyang pagbibitiw sa puwesto.

Aminado si Chavez na may panghihinayang siya sa kanyang pag-alis dahil pakiramdam niya ay hindi niya lubos na natugunan ang mga inaasahan sa kanya.



Gayunpaman, binigyang-diin ni Chavez na bawat araw ng kanyang panunungkulan ay itinuring niyang huli na, kaya ibinuhos niya ang kanyang buong makakaya sa paglilingkod sa pamahalaan.

Kasabay nito, nagpahayag din ang outgoing PCO Chief ng taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ipinagkaloob na pagkakataon at karangalang makapaglingkod sa administrasyon nito, pati na rin sa tiwala at kumpiyansa na ibinigay sa kanya.

Ayon kay Chavez, mananatili siya sa PCO hanggang Pebrero 28, o maaaring mas maaga pa, depende sa kung kailan makakahanap ng kanyang kapalit ang Palasyo.

Bago tuluyang lumisan, tiniyak niyang mananatili siyang tagasuporta ng administrasyong Marcos at patuloy na susuporta sa mga adhikain nito.

Bagama’t aalis siya sa gobyerno, mananatili pa rin umano siya sa larangan ng pampublikong serbisyo.



Samantala, habang isinusulat ito ay lumulutang ang pangalan ng beteranong mamamahayag at Ilokanong si Jay Ruiz na posibleng humalili kay Chavez bilang PCO Secretary. (Gilbert Perdez)