Comebacking Cong. Manny Lopez binira si Isko na nag-iisang Mayor na nag-iwan ng utang at nagbenta ng patrimonial properties
Advertisers
TAHASANG tinuligsa ni comebacking Manila first district Congressman Manny Lopez si ex-Mayor Isko Moreno bilang nag-iisang mayor sa kasaysayan ng Maynila na nag-iwan ng dambuhalang utang at nagbenta ng city’s patrimonial properties, at sinabing: “pag ang mentalidad mo ay sugarol, talagang lahat ay isusugal mo.”
Sa kanyang pagbisita sa “MACHRA Balitaan” news forum ng Manila City Hall Reporters’ Association sa Harbor View Restaurant , Ermita, Manila, ang former two-term Tondo Congressman ay nagsabi na ang tunay na sukatan ng isang mahusay na lider at epektibong fiscal mayor ay nakasalalay sa kanyang resourcefulness. Binigyang diin niya rin ang masaklap na sitwasyon pinansiyal ng Maynila dahil sa iniwang P17.8 billion ni Moreno .
Binanggit ni Lopez na ang kanyang ama, dating Mayor Mel Lopez, Jr., pati na ang mga dating alkalde na sina Mayors Fred Lim, Lito Atienza at Erap Estrada, ay nagsipag-iwan ng cash on hand para magamit ng susunod na administrasyon di tulad ni Moreno na ang iniwan ay pagkalaki-laking utang.
“Dapat ang lider marunong maghanap ng pondo. Hindi ‘yung utang ang solusyon,” Sabi ni Lopez kung saan nagkomento ito sa uri ng liderato ni Mayor Honey Lacuna na resourceful at efficient sa fiscal management at tax collection. Sa kabila nito ay nakakabayad unti-unti sa utang na iniwan ni Moreno.
“Ang pag-utang dapat ay base sa kakayahan, hindi ‘yung ibabaon mo ang kaban dahil taumbayan ang mahihirapan. Walang alkaldeng nag-iwan ng ganyang kalaking utang dahil inilalagay mo sa hindi magandang financial condition ang Maynila,” dagdag pa ni Lopez.
Pagdating naman sa bentahan ng patrimonial properties na naganap sa termino ni Moreno, sinabi ni Lopez na:”walang pag-aari ang Maynila na dapat ibenta. Instead, dapat ay mag-acquire kung magaling kang fiscal manager. Kung ako ama, bakit ko ibebenta ang naipundar kong bahay o lupa? Ngayon kung ang mentalidad mo ay sugarol, lahat talaga isusugal mo.”
Ayon pa kay Lopez , ang mga residente ng Maynila ay batid kung sila ay nilolok at Malaki ang kanyang paniniwala na Mayor Lacuna ang best choice bilang mayor ng Manila at ito rin ang dahilan kung bakit siya sumapi sa Asenso Manileño at ito ay dahil sa palatapormang ‘tapat at totoong pamumuno’.
Ipinahayag din ng comebacking Congressman ang kanyang paniniwala na maihahambing ng mga residente ng Tondo ang lahat ng kanyang mga accomplishments kumpara sa dalawa niyang katunggali.
Binanggit pa ni Lopez na habang ang kanyang mga kalaban ay abala sa pagkakalat ng kasinungalingan at pamumudmod ng pera bilang paraan ng pangangampanya, siya naman ay umaasa sa integridad ng mga residente ng Tondo, na maaaring kunin ang ipinamimigay na pera pero ibobito pa rin kung ano ang dikta ng kanilang konsiyensa at base sa nagawa ng isang kandidato.
“Pwede din naman ako magsinungaling o mambudol pero hindi ko ‘to gagawin dahil may pruweba ako ng nagawa at gagawin pa. Naniniwala ako na ang mga taga-Tondo ay may dangal at prinsipyo, higit sa ginto’t pilak, Kaya ipinagpapasa-Diyos ko ‘yan,” dagdag nito. (ANDI GARCIA)