Advertisers
Sa pagpili ng ibobotong kandidato, ano ang dapat na gawin ng isang botante?
Sinagot ito ni dating Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa idinaos na Kaagapay Convention noong February 15-17 sa Ninoy Aquino Stadium sa lungsod.
Kailangan na marunong makinig ang isang aspiranteng maglingkod sa bayan, at sabihin kung ano ang gagawin, kung ipuwesto sa tungkulin.
Ani Moreno na mas kilala sa bansag na Yorme Isko, gamitin ang oportunidad na sabihin sa mamamayan “kungl ano ang gagawin mo.”
Imbes na ubusin ang pag-atake sa mga katunggali sa politika, mas nais ni Yorme Isko na ubusin niya ang oras sa pagsasabi kung ano ang kanyang gagawin, at bakit siya at ang mga kasama sa Yorme’s Choice ang dapat na iboto ng botanteng Manilenyo.
Dapat sa kampanya, unahing ipakita ang mga nagawa na at gagawin pa at ilahad ang mga konkretong plano para sa kapakanan ng mamamayan.
Sinabi ni Yorme na siya ay nalulungkot sa matinding paninira at batikusan sa politika, na hindi naman gaanong nangyari noon sa nakaraang eleksiyon.
“Nagugulat nga ako ngayon, dati hindi naman nangyayari sa Maynila ‘yon, ‘yung mudslinging. Sobra. Grabe. Kung pader lang ‘yung mukha namin ni Chichi, malamang kulay putik na ‘yung pader),” sabi ni Isko — na tinutukoy ang katiket na kandidatong bise-alkalde, si Chi Atienza.
Mas gusto niya, sabi ni Isko na ipokus ang kampanya sa nagawa niyang mabubuting proyekto sa Maynila, at wag ubusin sa paninira at atake personal.
Pansamantala lamang ang mabuting epekto sa mga botante ng pagbato ng putik, pero sa kalaunan, naghahanap ng plataporma de gobyerno ang mamamayan.
Kung ano ang ginawa na at gagawin pa, “Iyon ang hinahanap ng Manilenyo,” sabi ni Yorme Isko.
“Yung ginawa na, yung gagawin pa, iyon ang dapat na makita, iyon ang dapat na magsalita para sa isang kandidato para siya ang suportahan ng mga botante,” sabi ni Yorme Isko.
“Mas deserve ng mga tao na marinig sa kampanya ang mga priority, mga accomplishments at concrete plans. Mas deserve nila na malaman ano-ano ba ang ide-deliver sa mamamayan, hindi ang paninira,” sabi ni Isko.
“Kung ikaw ay reelectionist, sabi ko, kung ano ang ginawa mo. Mag-ulat ka na lang sa taumbayan,” sabi ni Yorme.
Siya, at si Chichi, sasabihin niya, sabi ni Yorme Isko, ang mga nais nilang gagawin sa Manilenyo.
“Basta tayo, maglahad ng mga ninanais mong gagawin para sa ating lungsod, para sa iyong distrito, tapos hayaan natin ang taumbayan ang magdesisyon kalaunan,” wika ni Isko.
Ang politiko ay tungkol sa serbisyo sa mamamayan, hindi para sa atake personal na ginagawa ng kanilang kalaban sa politika, paliwanag ni Yorme sa kausap na mga Kaagapay at mga Batang Maynila.
Solusyon at serbisyo ang ipakita at ipaalam sa mamamayan.
“Ito ang nais marinig, kung ano ang mga solusyon (sa mga problema ng bayan), iyon ang aming sinasabi sa aming kampanya. Paggalang sa mga botante iyon, at paraan iyon upang ang isang kandidato ay suportahan at iboto,” sabi ni Yorme Isko.
“Kami ni Chichi, kami sa Yorme”s Choice, serbisyong para sa tao, yung lingkod-sa-mamamayan na totoo, ang ibibigay namin sa inyo. Sa mga katunggali namin, sa kanila na ang lahat ng paninira, basta kami, sa positibong paglilingkod nakapokus ang aming kampanya,” sabi ni Yorme Isko. (BP)