Advertisers

Advertisers

HIMALA NG EDSA

0 2,388

Advertisers

MARTES ng umaga nagsimula ang Tricom hearing ng Camara de Representante na tumatalakay sa fake news. Inanyayahan ang ilang mga social media blogger at influencer sa pagdinig. Karamihan sa mga ito hindi dumalo at nagbigay ng kani-kanilang dahilan na dinaan sa kani-kanilang mga abogado. Dahil sa ito ay mandato, ayon sa Saligang Batas, mapipilitan silang dumalo sa kalaunan Hindi nila maaaring takasan ito.

Mahalaga sa inyong abang lingkod na mapakinggan ng taumbayan ang pagdinig sa Camara. Natutuwa ako habang nagigisnan ang husay ng mga lingkod bayan sa Kongreso. Iilan sa mga ito ay masasabi kong, kumbaga sa itlog, kulang sa pisa. Sige na mga bugok. Isa sa tinutukoy ko ay ang paborito kong si Boy Sinungaok na itatago natin sa pangalang Rodente Markulelat. Kasing halaga ng suso sa lalaking baka ang pakinabang sa taong ito ng mga nagbabayad ng sweldo ng Kongreso; paumanhin po sa inyong lahat.

Ngunit walang karespe-respeto ako sa kanya, o ang asal niya bilang halal na opisyal. Una, sa dahilan nito, ay ang kababawan ng kanyang argumento kapag humaharap sa mga nais niyang punteryahin. Magpasalamat siya at nagsanay sa pagtitimpi at maging mahinahon ng mga binabanatan niya. Isa sa kanila ang tagapagsalita ng Philippine Coast Guard sa usapin ng West Philippine Sea – Commodore Jay Tarriela.



Halatang obvious na napikon si Marculelat kay Commodore dahil binatikos niya ito sa kanyang pagiging matimbang sa pulahang tsina, at sa kampo ng mga Duterte, kung saan ito kumakampi. Ang tingin ko tuloy si Markulelat ay nagparang lasenggo sa pistahan na nangungulit lang sa mga dumalong bisita at namimilosopo na lang. Sa maikli, gumuho ang argumento ng hamag, lalo na nang nagmistulang matandang nagrereklamo ito matapos hindi pinakain ng ice cream.

Sa maikli, pinagtatawanan siya ng kanyang mga kabaro lalo na si Kin. Romy Acop na pilit hindi tumatawa. Bagkus, ang tungkulin ng bawat kasapi sa Kongreso ay dapat galangin, ngunit kailangan magpakita din ang mga ito ng katangian at kilos na may respeto at paggalang. Hindi ako magsasawa na nagpapaalala na maaari natin baguhin ang naratibo, sa pagpili ng mga tunay na karapat-dapat manungkulan.

Ang mga nakahanay sa tulad ni Markulelat ay muling susuyo sa inyo. Huwag na natin piliin ang mga tulad ni Markulelat na ang malasakit sa kapwa ay kasing tunay ng mga hibla ng pelukang nakaputong sa bumbunan niya. Nakakatawa ka.

***

SA mga susunod na araw gugunitahin natin muli ang kaganapan na naglagay sa atin bansa sa mapa. Mula Pebrero 22 hanggang Pebrero 25 gugunitahin natin ang ika-39 na anibersaryo ng Himala ng Edsa. Sa unang pagkakataon pinatalsik ng sambayanan ang isang awtoritaryan pinuno, hindi sa pamamagitan ng baril at bala, kundi sa pamamagitan ng dasal, rosaryo at taimtim na pananampalataya. Naging buhay na saksi ang inyong abang lingkod sa naturang himala. Magiging bahagi ito ng aking mga alaala hanggang sa aking himlayan.



Ngunit nalulungkot ako dahil unti-unting nababaon sa limot ang Himala ng Edsa. Ito ang kauna-unahang himagsikan na walang dugong dumanak. Tuloy maraming bansa ang gumaya at nais gayahin ang nangyari sa Pilipinas. Nakakalungkot lang dahil sa mga taon, unti-unting humihina ang nagiging bisa nito; ngayong administrasyon, hindi na ito isang non-working holiday!

Naiintindihan ng abang kolumnistang ito na hindi paboritong pista opisyal ang People Power Anniversary, lalo na na kasalukuyang nakaluklok sa Malacañan, subalit, sapantaha ng inyong abang lingkod, ang naging diwa ng Edsa ay kailanman hindi mawawala, hangga’t nakaukit sa ating mga puso, bilang mga Pilipino, ang dahilan at ala-ala nito. MALIGAYANG BATI SA INYO SA PAGGUNITA NG PEOPLE POWER!!! Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.

***

Wika Alamin:

TAMPALIN- ito ang taba na bumabalot sa tiyan ng baboy. Pinaiinit ito at kinukunan ng mantika. Sa dakong katimugang Tagalog ang “purpur” ang tinatawag sa putaheng may taba-tabang laman na hinahalo sa mga lutong inilalagak sa mga handaan. Kapag ginamit ito sa salita: “Ang tampalin ay pinagkukuhanan ng mantikang gawa sa taba ng baboy”

***

mackoyv@gmail.com