Advertisers

Advertisers

BAWAL MAGKASAKIT

0 2,325

Advertisers

Patuloy ang pagbulusok ng kabuhayan ng Pinoy sa mahal ng presyo ng bilihin at sa ‘di tumataas na sahod ng mga obrero. Hindi magawan o ‘di ginagawan ng paraan ng pamahalaan na maihatid ang tamang programa na magtataas sa kabuhayan ng mamamayan. Ang masakit, silip na pinagkakakitaan ang mga programang inilalatag sa halip na makatulong. Sa paglalatag ng programa, una ang sarili sa pagtitiyak na ‘di malilimot ang mga nag-aabot higit ang mga opisyal na ang layon ay maging palaasa ang taong bayan sa programang inilatag, ang ayuda na tulad ng bagong Akin Ang Perang Ipinamimigay (AKAP). Sa totoo lang, kilala na, nakatulong na kuno at naka pangampanya pa sa pwestong asam / tangan, subalit ‘di ibig na mawala ang kupit na ‘di batid ng mga tumatanggap. Kahit galing sa kabang bayan ang salaping ipinamamahagi, ipinatatanaw sa mga tumatanggap ang utang na loob sa opisyal na nag-aabot. Ang higit na masakit, itinali si Mang Juan sa pangakong higit na malaking abutan sa susunod na bigayan sa oras na muling mahalal sa pwestong tangan / asam.

Sa takbo ng buhay ni Mang Juan, walang pagkakataon na makakaahon sa kahirapan sa uri ng programang ipinatutupad ng mga opisyal ng bayan. Hindi makita ni Mang Juan na nasa kamay ang pag-angat sa buhay at wala sa nag-aabot ng ayuda. Ang kawalan ng tuloy tuloy na kabuhayan o hanapbuhay ng mamamayan ang sentro ng programa ng pamahalaan ng matiyak na nasa kamay ang kumpas ng kaayusan sa Lipunan. Walang pasyang magmumula sa baba o sa taong bayan kung hindi ang halalan na piniringan ng ayudang magsisiguro sa panunumbalik ng mga namumuno sa kasalukuyan. Walang ibig bumaba sa mga kasalukuyang opisyal na naghahabol na makabalik sa pwestong tangan higit ng mga bumalimbing sa administrasyon. Iisa ang ibig, ang paasahin ang mga bobotante sa salaping iaabot at maalis sa isip ang kalagayang kahirapan na sagad sa buto.

Sa kabila ng palaasang programa ng pamahalaan na pinadadaan sa mga kinatawang bayan higit ang sa kalusugan, nariyan ang mga tinatawag na guarantee letter (GL). Ang GL na mula sa mga kinatawang bayan ang gamit ng makapasok, masilip, magamot at makalabas ng libre ang mga pasyenteng kulang sa pambayad sa mga pagamutang bayan. Maraming Pinoy ang nagdadala ng GL higit kung nagtatagal sa mga pagamutan ng pamahalaan. Gamit ang GL, walang ilalabas na pera sa gastusin sa pagamutan tulad ng gamot at sa doktor na gumagamot higit kung kailangan ng operasyon ng may sakit. Sa totoo lang, tanggap ng mga pagamutan ng pamahalaan ang GL na iniharap ng mga kaanak ng mga pasyente at nagagawang itawid sa kalagayan ang mga taong may sakit. Sa pagsagip sa mga naunang pasyente, walang kasiguruhan na magagawa sa iba ang karampatang pagsagip sa kadahilanang ‘naubos ang panustos na gamot at gamit ng pagamutan na gagamitin sa susunod na pasyente, paano na?



Sa ‘di paglalaan ng pondo sa Philhealth higit na naging palasak ang GL na karaniwang bitbit ng mga pasyenteng walang pera. Ang masakit hindi kagyat na nasisilip ang mga banggit na pasyente kumpara sa mga nakakatulong sa mabilis na pagsusuri. Ang pangangailangan sa mabilis na resulta ng laboratoryo na basehan ng susunod na hakbang ang balakid sa susunod na silip sa pasyente. Sa dami ng mga nakapilang may bitbit na GL, ang lipasan ng buhay ang masakit na katotohanan na iniyakan maging ng mga doktor sa pampublikong pagamutan. Ang mga naubos na gamot na unang nagpagaling sa mga nauunang may sakit ang dahilan sa pagpanaw ng sumunod o susunod na pasyente. Ang kawalan ng pera sa mabilis na pambibili ng gamot ang karaniwang sanhi ng pagpanaw ng mga pasyenteng umaasa sa GL. Mang Juan bawal magkasakit.

Sa pagsasaliksik nabatid na karaniwan sa mga pagamutan ng pamahalaa’y kapos sa mga gamit at gamot upang magpagaling ang mga may sakit na Pilipino. Hindi magawang gawin ang nararapat sa mga banggit na kakulangan habang sagana at maalwan ang buhay ng mga nagpapahalal sa taong bayan. Sa dami ng mga nagkakasakit, ang mga ospital ng pamahalaa’y kulang sa mga doktor na susuri sa mga lumalapit na pasyente. Sa katunayan marami sa mga doktor sa pampublikong pagamutan ang nagsisilbi ng higit sa takdang oras ng trabaho at ang maliit na sahod ang dahilan sa paglisan sa bansa. Samantala, nananatiling GL ang GL ng mga kinatawang bayan at ‘di nagiging pera na kadalasang pang-abono bilang pantawid buhay ng pasyente ng mga doktor ng pamahalaan.
Ang mahirap na kalagayan sa mga pampublikong pagamutan ang sitwasyon na kinakaharap ng sektor ng kalusugan. Salamat sa mga opisyal ng pamahalaan na una ang sarili sa halip na ang bayan higit sa mga maralita. Ang kalunoslunos na kalagayan ng sektor ng kalusugan ang ‘di binigyan pansin sa mga pagdinig ng mga mambabatas. Mahalaga ang usapin ng sektor ngunit ang higit na mahalaga sa mga mambabatas ay ang dadating na halalan na kung hindi matutukan, ang pagkawala ng maalwan na buhay ang nakasalang. Napakasakit na mabatid na ang maalwan na kabuhayan ang sinasagip ng mga kinatawang bayan samantalang buhay o kamatayan ang hinaharap ni Mang Juan na harimunan sa isusubo at ngayo’y sakit ang hinaharap.

Sa pagsasaliksik pa rin, nasilip na marami sa mga GL ng mga kinatawang bayan ang hindi napopondohan na dahilan sa kakapusan sa mga gamit at gamot ng mga pagamutang bayan. Hindi usapin ang professional fees (PF) ng mga doktor na karaniwang laway na natatangap at pagkutya ng mga bantay na nagpipilit na malapatan ng lunas ang pasyenteng bitbit. Ang masakit nariyan ang ibang mga bantay salakay na malingat ka lang, asahan na parang mahika na mawawala kung ano ang iyong naiwan. Ang higit na masakit sa kalooban ng maraming doktor na sa likod ng pagsisilbi sa bayan maging sila’y biktima ng bantay salakay sa pamahalaan. Hay naku..

Ang kalagayan ng lipunang Pinoy sa kasalukuyan ang masakit na hinaharap na ‘di nakikita ng mga nasa pamunuan. Walang pitik sa puso ng mga namamahala ang Pinoy na naghihirap at walang maisubo sa likod ng masaganang buhay ng mga tagapagsilbi sa bayan. Ang mga tagapagsilbi’y ‘di mawari kung paano maglustay ng salapi ng bayan sa sandaling panahon. Samantala ang katulad ni Mang Juan na makikita sa lahat ng dako ng bansa ang ‘di nakakaranas ng kagalingan sa buhay higit ang mga may sakit na walang pantustos sa gamot na dahilan ng pagtigil ng hininga. Masakit mang sabihin, tunay na bawal magkasakit sa bansa higit ang maralitang umaasa sa inagaw na pondo sa sektor ng kalusugan.

Maraming Salamat po!!!!