Advertisers
TINIYAK ni senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. , na bibigyang-diin ang matagumpay at kinikilalang programa ng Lungsod ng Mandaluyong sa pangangalaga ng mga batang may kapansanan at nangakong magtatayo ng mas maraming pasilidad na magbibigay ng therapy, edukasyon at integrasyon para sa kanila.
Isa sa mga pangunahing inisyatiba ni Abalos ang Project TEACH, isang programa na kanyang binuo at isinakatuparan noong 2007 nang alkalde pa siya ng Mandaluyong.
Nabatid na mula noon, nakatulong na si Abalos sa mahigit 1,200 na batang may iba’t-ibang kapansanan, kabilang ang autism at cerebral palsy.
Ayon kay Abalos, ang pagkakatatag ng Project TEACH nagsilbing patunay na ang isang epektibong lider dapat laging nakikisalamuha sa kanyang mga nasasakupan—isang bagay na naging bahagi ng kanyang pang-araw-araw na gawain bilang alkalde.
Sa ikatlong yugto ng kampanya ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas sa Davao del Norte, ibinahagi ni Abalos kung paano niya nadiskubre ang isang 13-anyos na batang palaboy-laboy sa isang komunidad sa Mandaluyong na walang suot na damit.
Agad niya itong kinausap at pinuntahan ang mga magulang upang alamin ang kalagayan ng bata. Doon niya nalaman na ang bata ay may autism—isang pangyayari na naging daan upang buuin niya ang isang programa na magbibigay ng pantay na oportunidad sa mga batang may kapansanan, anuman ang kanilang estado sa buhay.
“Sabi sa akin Mayor, bata po ho yan ay gustong laging nakahubad. Sa isang lugar may isang batang anak mayaman, nag-graduate first honor.
Ang challenge na kinakaharap ng batang mayaman na yun at yung batang laging nakahubad ay pareho, pareho silang autistic,” saad ni Abalos.
“Ang sabi ko sa sarili ko, hindi dapat ganun. Ang mahirap ay dapat mabigyan ng pagkakataon. Gumawa ako ng eskuwelahan sa batang may kapansanan upang maranasan din ng mga batang mahihirap ang aruga na nararanasan ng mga mga mayayaman,” dagdag pa nito.
Dahil dito, sinabi ni Abalos, isinilang ang Project TEACH. Sa isang pag-aaral na isinagawa bago ipatupad ang Project TEACH, napag-alaman na maraming batang may kapansanan sa Lungsod ng Mandaluyong ang hindi nakatatanggap ng tamang atensyon at pangangalaga na nararapat sa kanila dahil sa kakulangan sa pinansyal ng kanilang mga magulang.
Ayon kay Abalos, matagumpay na nagbigay ang programa ng libreng access sa isang network ng serbisyong medikal, rehabilitasyon, edukasyon, at iba pang kaugnay na serbisyo.
Kaugnay nito nakilala ang proyekto hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa ibang bansa dahil sa pagtataguyod nito ng mabuting pamamahala at sa pagpapanumbalik ng tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng malasakit sa pinakamahihina sa lipunan.
Bunsod nito, nakatanggap ito ng maraming parangal at pagkilala, kabilang ang, United Nations Public Service Awards, Galing Pook Awards, People Program of the Year Award mula sa People Management Association of the Philippines.(Boy Celario)